Napuno nang tawanan ang idinaos na kasal sa isang simbahan sa Batangas City dahil sa mga kuwelang hirit ng pari na bentang-benta sa mga saksi sa ginanap na pag-iisang dibdib.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ng kasal nina Miguel at Alalie Herta, kung saan tinanong na ni Father Romy Barrion ang groom kung bukal sa loob nito ang pakikipag-isang dibdib sa kaniyang bride.

Sumagot naman ng, "Opo, Father," si Miguel na may kalakasan.

Sabi tuloy ni Fr. Romy, "Abot sa SM e. Nakakagulat ka naman e."

Sa panayam, sinabi ni Miguel na malakas lang talaga ang boses niya at inakala niya na mahina ang mic.

Pero hindi pa doon natapos ang mga hirit ni Fr. Romy. Nang magki-kiss na ang bagong kasal, hinawakan ng groom sa pisngi ng bride na malapit sa leeg.

Sabi ni Fr. Romy kay Miguel, "Huwag mong sakalin [ang bride]. Hawakan nang maayos. Bakit sa leeg mo hinahawakan?"

At nang hahalikan na uli ni Miguel ang kaniyang bride, bumanat muli si Fr. Romy, "Wala pa akong sinasabi."

Makikita sa video ang tawanan at pagiging buhay na buhay ng mga dumalo sa seremonya sa simbahan, bagay na ikinatuwa ni Miguel nang dahil sa ginawa ni Fr. Romy.

"Napakasaya ng naging ceremony dahil binuhay niya [Fr. Romy] lahat ng tao roon.  Ang oras kasi is nakakaantok, alas tren ng hapon. Kahit ganun yung oras, talagang buhay na buhay ang lahat dahil nakakatawa ang pagmimisa niya," ayon kay Miguel.

Sinabi rin ni Miguel na sadyang pinili nila ng kaniyang bride na si Fr. Romy ang magkasal sa kanila, at talagang inasahan nila na magpapatawa ang pari.-- FRJ, GMA Integrated News