Tila nagmarka sa American director at producer na si Joe Russo ang Pinay actress na si Liza Soberano na kasama sa Hollywood movie na "Lisa Frankenstein.'

Sa X (na dating Twitter), nag-post si Joe ng paghanga sa naturang pelikula na tinawag niyang "great vehicles to break new stars."

Ayon pa kay Joe, nakahanap ng "superstar" ang direktor ng pelikula na si Zelda Williams at screenwriter na si Diablo Cody sa katauhan ni Liza na, "who steals every scene she's in as Lisa's step-sister, Taffy."

 

 

Si Joe at kapatid niyang si Anthony, ang mga nasa likod ng mga Marvel movie tulad ng Avengers: Endgame.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng papuri si Liza sa kaniyang husay sa pagganap sa kaniyang role.

Ang co-star niya sa pelikula na si Kathryn Newton, sinabing "always perfect" ang Pinay actress at wala na umanong babagay na gumanap sa papel na Taffy kung hindi siya [Liza].

Ang "Lisa Frankenstein" ay inspired sa gothic novel "Frankenstein" ng English writer na si Mary Shelley.

Ang pelikula ay tungkol kay Lisa na ginagampanan ni Kathryn, na isang misunderstood teenager, at ang kaniyang high school crush na ginagampanan ni Cole Sprouse, na isang poging bangkay.

Ginagampanan naman ni Liza ang role bilang si Taffy, na stepsister ni Lisa.

Mapapanood sa mga sinehan sa Pilipinas simula sa Pebrero 7 ang "Lisa Frankenstein" mula sa Universal Pictures International.—FRJ, GMA Integrated News