Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, binalikan ni Cristine Reyes ang sinabi niya noon na pang-"tropa" para sa kaniya si Marco Gumabao, at sinabi pang... "Ano ako, cougar?"

Nangyari ang naturang pahayag ni Cristine noong 2019 sa isa rin programa noon ni Tito Boy. Nang panahong yun, 30-anyos si Cristine, habang 24-anyos naman si Marco.

“Kasi noong time na ‘yon, talaga namang way younger si Marco sa akin,” paliwanag ni Cristine. “Feeling ko, kung tatanungin mo ako noong time na ‘yun, same answer pa rin. Pero ngayon kasi…” sabi ni Cristine ngunit hindi naipagpatuloy ang kaniyang sagot.

Naging trending ang quote ni Cristine na, “Ano ako cougar?” matapos na maging sila ni Marco at tila binawi ng aktres sa kaniyang sinabi. Nag-post kasi ang aktres ng larawan nila ni Marco noong nakaraang taon na may caption na: “Definitely not Tropa anymore, na may kasamang peace sign, heart, finger heart emojis.

Natatawa naman na ibinuking ni Marco na naaasar si Cristine ng mga kaibigan na sine-send sa kaniya ang meme.

“All her friends were messaging her, naiinis siya, napipikon talaga siya. Kasi kapag nakikita mo ‘yung hitsura niya napipikon siya kapag sine-send ng mga tao o inasar siya. Parang kinain niya ‘yung sinabi niya,” natatawang sabi ni Marco.

“Pero okay lang naman ‘yun,” birong hirit ni Marco sa nobya. “Ganoon talaga tayo na we say things na binabawi natin.”

“Kaya sobrang careful na ako Tito Boy na magsalita kasi baka bumalik ulit sa akin,” sabi ni Cristine.

Tinanong din ni Tito Boy ang dalawa kung napag-uusapan na kaya nila ang kasal.

“Of course,” tugon ni Marcos. “Basta ang usapan namin, is ‘yung future together. Pero ‘yung details, of course pakaunti-unti, pero ‘yung longer [view], ‘yun ang napag-uusapan.”  -- FRJ, GMA Integrated News