Gaya rin naman ng ibang buwan, kompletong 31 araw ang Enero. Ngunit marami ang nakapansin na tila napakahaba at matagal matapos ng unang buwan na ito ng bagong taon. Bakit nga ba ganito ang naging pakiramdam ng marami?
“Galing po tayo sa bakasyon mula November, may reunions na naganap. Unti-unti hanggang sa Disyembre, puro holiday ang December,” paliwanag ng psychologist na si Dr. Raul Gana sa “Dapat Alam Mo!”
Ngunit noong sumapit ang Enero, sumabak na agad sa trabaho at hindi nakaranas ng holiday ang mga Pinoy.
“Maaari po nating sabihin na post-holiday blues kasi tayo, ang nasa mindset pa natin, hindi pa tayo nakaka-ubra roon sa holiday na ginanap mula November hanggang December,” paliwanag pa ni Gana.
“Tayo ang mindset natin, ‘Anong nangyari? Papasok na agad ako, trabaho na agad ako,’” dagdag niya.
Ayon pa sa psychologist, maaari ding nakadagdag ang malamig na panahon, dahil nakaaapekto ang malamig na klima sa mood ng tao.
“‘Pag malamig, ang mga tao tamad kumilos, mabagal kumilos, naghihinay-hinay ng pagkilos,” sabi ni Gana.
Nakadagdag pa sa pagka-inip ng mga tao nitong Enero ang kanilang mga backlog mula pa noong Disyembre.
Mataas din ang dopamine o “happy hormone” ng mga tao noong Disyembre dahil sa mga kasiyahan, ngunit bumaba ito nitong Enero.
“Kapag December, kasi ang dami mong regalo na natanggap, maraming parties, may bonus. Then ikaw din masaya kapag nagbibigay ka kaya ang taas ng level ng dopamine mo. Pagdating ng January, ang naiisip mo na, ‘Ang dami kong babayaran,’” ayon pa kay Gana.-- FRJ, GMA Integrated News