May bonggang plano ang pamahalaan para muling buhayin ang Pasig River. Pero hindi lang ang mismong ilog ang nais na muling mapakinabangan kung hindi mapaganda rin ang tabing-ilog, partikular sa likod ng makasaysayang Manila Post Office.

Sa video ng "24 Oras Shorts" ng GMA Integrated News, sinabing kasama sa planong pagbuhay sa Pasig river ang maisaayos ang ferry station, magkaroon ng malawak na parke sa gilid ng ilog, at malagyan ng maganda at ligtas na jogging path.

Tinatawag ang plano na Pasig River Development Project, kasama sa pagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos din ng likuran ng nasunog na Manila Post Office.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, "Twenty-five kilometer stretch ito from Manila Bay up to Laguna de Bay, kasama lang naman sa plano."

Bagaman tila malaking pagsubok ang proyekto na pagandahin at buhayin ang ilog Pasig, ipinaalala ni Artes na minsan na rin umanong idineklarang biologically dead noon ang River Seine sa Paris. Pero nagawa itong ayusin at buhayin at ngayon ay kabilang na sa mga pinapasyalan ng mga turista.

Sa kasaysayan, ang ilog Pasig ay tinatawag noon na "super highway" ng mga naunang Pinoy hanggang sa panahon ng mga Kastila pagdating sa kalakalan.

Bagaman mahabang panahon ang kakailanganin para maisakatuparan ang hangarin sa Pasig river, tiwala naman ang pamahalaan na kakayanin nilang matapos ang plano.

Kailangan ding ilipat ng tirahan ang libu-libong mga nakatira sa gilid ng ilog.

Pero gaano nga ba katagal ang ginagawang rehablitasyon sa isang ilog?

Ang rehabilitasyon na ginawa sa Iloilo river na pinapakinabangan na ngayon ng mga tao ay ipinagpatuloy umano ng tatlong alkalde ng lungsod.

BASAHIN: Malalaking isda, nahuhuli sa Iloilo river; at malaking tulong sa mga residente


Dahil kakailangan ang mahabang panahon, may mga nagmumungkahi na dapat magkaroon ng batas sa gagawing pagsasaayos at rehabilitasyon ng ilog Pasig para magtuloy-tuloy ito kahit pa matapos ang kasalukuyang administrasyon.-- FRJ, GMA Integrated News