Mahigit P2.4 bilyong halaga ng jackpot prizes ang tinamaan sa 11 lotto games mula noong December 2023, batay sa datos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, nais na magkaroon ng masusing pagsusuri tungkol dito.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tinamaan ng isang mananaya ang P698 milyong premyo sa Grand Lotto 6/55 draw noong December 17.
Isang mananaya rin ang tumama ng P640 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong December 16. Bukod pa sa isang mananaya na tumama naman ng P571 milyon sa Ultra Lotto 6/58 draw noong December 29.
May nanalo rin ng P310 milyon jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw noong December 19.
Nitong Enero 24, isang mananaya ang tumama ng P45.6 milyon para naman sa Megalotto 6/45 draw.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, nagpahayag ng pagdududa si Pimentel na limang laro ng lotto ang tinamaan sa loob lang ng hindi pa aabot ng isang buwan.
“In less than one month limang laro ang tinamaan. We have to look at this," sabi ni Pimentel sa komite na nagsisiyasat sa integridad ng lotto games.
ALAMIN: Paano pumili ng lucky numbers para sa lotto batay sa taong 2024?
“Without augmentation ito, natural accumulation of jackpot from the bets. Ang theory e naka-attract na iyan ng bettors. Months muna bago tamaan eh. So itong nangyari last December is really an anomaly. Hindi lang one game, five games,” dagdag ng senador.
Sa pagdinig, inihayag ni Tulfo ang hinala umano ng ibang tao na minamanipula ang resulta ng lotto, na mariing itinanggi ni PCSO General Manager Mel Robles.
“We assure you that we can never manipulate it. Kaya nga allow kami mag bet. Even I can bet because it’s beyond me,” ani Robles.
“Betting on all combinations is a right of everybody, it does not guarantee… assuming somebody bet on all combinations, if you can, it does not guarantee that you will get the jackpot by yourself. Our records show, hindi naman binettan lahat ng combinations nung day na tinamaan,” dagdag ng opisyal.
Kamakailan lang, naging kontrobersiyal ang inilabas na larawan ng PCSO tungkol sa umano'y lotto winner na kumuha ng jackpot prize.
Napansin ng netizens sa larawan na edited ang sinasabing nanalo.
Kinumpirma naman ni Robles sa naunang pagdinig ng Senado na sadyang inedit ang larawan para sa proteksyon ng lotto winner.
BASAHIN: PCSO, inaming inedit ang larawan ng lotto winner para sa 'security, privacy'
Ayon sa ulat, magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing usapin sa dami ng lotto winners ang Philippine National Police - Cybercrime Investigation and Coordinating Center (PNP-CICC).
“Right now, we don’t have any evidence of fraud,” ayon kay Drexx Laggui ng PNP-CICC.
Naglabas naman ng subpoena ang komite para sa makuha ang records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang masuri kung nagtutugma ang bilang ng mga tumaya sa napanalunang premyo.
Nauna nang sinabi ni Robles na pinalaki nila ang premyo sa lotto nang naglunsad sila ng promo upang makahikayat ng mas marami silang mahikayat na tumaya.—FRJ, GMA Integrated News