Pinatunayan ng isang Japanese vlogger ang kaniyang pagiging pusong Pilipino nang tanggapin niya ang hamon na magpatuli na bahagi ng kultura ng mga Pinoy. Sa Japan daw kasi, hindi uso ang tuli sa mga lalaki.
Sa programang "I Juander," ipinakilala si Iwa Maegawa, at ang kaniyang mga kaibigan na sina Ryo Nagatsuka, at Hiro Ozaki.
Umabot ng 10 milyong views ang naturang video nang hamunin nila si Iwa na magpatuli.
"'Di ba halos lahat ng mga lalaki dito sa Pilipinas, tuli. Pero sa Japan, supot kaming mga Hapon. So inisip ko since 'yung goal nila, they want to be a Filipino, 'di ba? And kahit Japanese na pusong Pinoy, for me, 'pag hindi sila tuli, hindi 'yun Filipino. So today, papatuli natin 'yung isang friend ko si Iwa," sabi ni Ryo sa kanilang vlog.
"Kasi in Japan, most of the guys, most of the men there are not circumcised. There's no culture," dagdag pa ni Ryo.
Sa Pilipinas, ipinapatuli ang mga lalaki bago pa man magbinata. Ginagawa ito hindi lang para patunayan ang pagiging "lalaki" kundi para na rin sa kalinisan ng katawan.
Nang hamunin ng mga kaibigan si Iwa na magpatuli, kahit takot, hindi siya umatras.
"Siyempre, takot ako. Ayaw ko solo. So, I bring Ryo sa surgery. Then, hawak ang aking kamay. Sakit!" sabi ni Iwa.
Ayon pa kay Iwa, nakatanggap siya ng tatlo hanggang apat na "tusok" sa kaniyang tuli.
Pero nang matapos na tuliin, proud tuli na si Iwa at sumigaw pa ng "Pinoy na ako!"
Nabuo ang pagkakaibigan nina Ryo, Hiro at Iwa sa kanilang bayan sa Japan. Dating gitarista ng isang banda si Hiro samantalang office worker naman si Iwa.
Nang magkaroon ng pandemya, nawalan sila ng trabaho. Kaya naman to the rescue ang kaibigan nilang si Ryo, na isang "JaPinoy" o half-Japanese, half-Pilipino, na noo'y nakatira na sa Pilipinas.
Sa tulong ni Rio, nakalipad ng Pilipinas sina Iwa at Hiro at muling magsimula.
"Hindi ako scared kasi matagal na rin ang friendship namin," sabi ni Iwa.
Naging instant vlogger ang tatlo at ang kanilang content, may tema ng Hapon na natututong maging Pilipino.
"Of course for them to be Filipino, from zero talaga. So they have to explore words, food, everything," sabi ni Ryo.
Ayon naman kay Hiro, "Ako sobrang mahirap Tagalog. So when I came to in the Philippines, 2022 February, that is my first time. So my skill of language, English, baba. Sobrang baba. And then also Tagalog, zero."
Mula sa paggamit ng chopsticks sa Japan, natuto ang tatlo na magkamay sa pagkain. At kung sanay silang mag-bow o yumuko bilang pagpapakita ng paggalang sa Hapon, natuto na rin silang magmano sa mga lolo at lola, na kaugalian naman ng mga Pilipino.
Natuklasan naman nilang parehong paborito ng mga Hapon at Pilipino ang kumanta.
Kalaunan, bumuo ang Japanese trio ng sarili nilang banda na pinangalanan nilang SkyGarden. Si Iwa ang drummer, si Hiro ang gitarista, at si Ryo ang lead vocalist.
Kinamanghaan ang tatlo dahil purong Tagalog ang una nilang single, na may pagka-anime.
"I want to, one day, we playing the super big stage, malaki, big stage. And then lahat audience, kanta our song. That is my dream," sabi ni Hiro. -- FRJ, GMA Integrated News