Ang hangarin na makatulong sa ibang tao, naging daan din sa isang mag-asawa para makapagtayo ng patok na negosyo na kayang kumita ng halos P100,000 kada buwan sa tulong ng kabute o mushroom.
Sa programang Pera Paraan, ipinakilala ang mag-asawang Pastor Ezekiel at Rhona Nieto, na mula sa pagiging misyonaryo, naging daan ang kanilang mga charity work para makapagtayo ng negosyong chicharon mushroom at sabon na gawa sa kabute.
"Nag-start kami way back 2016 pa. Ang goal talaga namin mag-reach ng community through feeding lang. Kaso lang, for two years namin ginagawa 'yun na realize namin na gutom pa rin sila at wala pa rin silang pera. So nag-isip kami ng alternative which is vegetable farming. Nag-stop lang 'yun nu'ng pumutok 'yung Taal Volcano," sabi ni Ezekiel, founder ng FAITH - Food Always In The Home.
Pero sa halip na panghinaan ng loob sa nangyaring kalamidad, naging oportunidad pa ito sa kanila nang maisip nila kung ano ang maaaring itanim kahit pumutok ang bulkan o magkaroon ng natural disaster.
Dito nila naisip ang mushroom farming.
"All year round siya, wala siyang season. So puwede mo siyang itanim diyan from January to December. Doon kami nag-start bumili ng bags tapos nagpatubo," sabi ni Ezekiel.
Ngunit pagdating sa vegetable farming, nalulusaw ang puhunan kung hindi agad mabenta. Kaya sunod nilang naisip na gawing processed ang mga dating fresh na mushroom, at nagluto ng chicharon.
Dahil dito, nakapagpagawa na sila ng isang maliit na farm. Mula sa dating nag-aangkat mula sa labas, nagawa nilang 50% hanggang sa 100% na nilang kinukuha ang kanilang materials at raw ingredients sa kanilang taniman.
Sabon na gawa sa mushroom naman ang naisipang gawin ni Rhona dahil hobby niya ang paggawa ng sabon.
"Naisip ko, why not 'yung mga waste product [ng mushroom] na tinuturing namin like 'yung excess stem, ma-convert namin ito to something na beneficial pa rin sa health," sabi ni Rhona.
Dahil oyster mushroom ang kanilang ginagawa, nagsaliksik siya at natuklasan na mayroon itong antioxidant, isa na ang Ergothioneine, na nakakatulong para labanan ang skin aging.
Ibinibilad nila ang stem para matuyo bago gawing main ingredient sa sabon. Tinitiyak nilang natural lamang na moisturizing soap ang kanilang mushroom soap.
Sa ngayon, nakalililkha ang mag-asawa ng 200 hanggang 300 sabon kada linggo.
Nilinaw naman ni Rhona na kailangan pa ring sumangguni sa mga eksperto sa paggawa ng mga sabon. Mayroon silang partner na chemist na gumagawa ng kanilang malalaking batch orders.
May approval din sila sa FDA.
"Challenging siya kasi mahirap magsimula ng minsan hindi mo alam. 'Yung vision namin is not just to sell, it's to sustain a community and help families. We do business as a mission. Hindi lang basta kumita," sabi ni Rhona.
"It's a ministry to show how our God is loving. Huwag matakot mag-try. Nag-start kami ng hindi naman talaga ganung kalaki," dagdag ni Rhona.
Kaya naman kada buwan, umaabot ang neto ng kanilang mushroom chicharon mula P70,000 hanggang P100,000.
Ang kanila namang mushroom soap business, nasa P6,000 hanggang P8,000 ang kita kada linggo.
Panoorin ang video at alamin kung papaano nila ginagawa ang kanilang produkto. -- FRJ, GMA Integrated News