Inilahad ni Sanya Lopez na bagama't nakatatanggap siya ng mga papuri dahil sa tagumpay ng kaniyang mga proyekto noong 2023, nagduda naman siya kung totoo ba ang mga iyon. Aminado rin siya na isang "overthinker."

"Siguro ang nakakatakot last year, 'yung marami ka lang magagandang naririnig. And hindi mo alam kung totoo pa ba 'yung sinasabi nila. So, mas takot ako sa puro magaganda lang 'yung sinasabi sa'kin," sabi ni Sanya sa Updated with Nelson Canlas.

"Compared sa sasabihin sa'yo 'yung totoo. Pero sinasabi naman nila, 'Anong gagawin namin eh kung 'yon 'yung totoo?' Pero ang hirap, hindi ko alam," pagpapatuloy niya.

Dahil dito, hindi maiwasan ni Sanya na mag-overthink kung totoo ang sinasabi ng mga tao sa kaniyang paligid.

"'Totoo pa ba kayo sa 'kin? Totoo pa ba 'to? Okay. Ako lang ba yun?' Na kapag pinupuri ka, ang hirap tanggapin. Tuloy eh. Kasi hindi mo na alam kapag madalas na," sabi pa ng aktres.

May mga pagkakataon din si Sanya na pinipigilan niya ang kaniyang sarili para hindi lumaki ang kaniyang ulo.

"The more na hindi ka nag-accept, baka mas lalo kang nahihirapan," sabi niya tungkol sa sarili.

Kaya mula sa pagiging "hard" o mahigpit, natutunan niyang patawarin ang kaniyang sarili noong nakaraang 2023.

"Biggest lesson ko po talaga siguro 'yung kailangan nating patawarin 'yung sarili natin. Kasi may mga pagkakamali rin sa buhay natin na feeling natin, hindi na natin kayang patawarin 'yung sarili natin. At marami nang tao ang na-affect sa kung ano man ang nangyayari sa buhay natin," saad niya.

"Ang naging aral lang sa akin, you have to forgive yourself. Para matutunan mong mag-forgive din sa ibang tao," pagpapatuloy ni Sanya.

Inamin ni Sanya na naging "hard" siya noon sa kaniyang sarili.

"May mga pagkakataon na kahit na feeling ko hindi naman ako. Iniisip ko na ako 'yun, kasalanan ko 'yon. Dapat ganito 'yung ginawa ko. So, 'yun po siguro. Huwag tayo masyadong hard sa sarili natin," paglalahad niya.

"Kailangan lang natin ma-realize na okay, nagkamali ka doon. Kailangan mong itama yan sa susunod. At huwag nang uulitin kung nagkamali ka," sinabi pa ng aktres.

Ayon kay Sanya, ang pag-overthink ang mailalarawan niyang kaniyang "pinakamalala" noong 2023.

"Kunwari, feeling ko, 'What if magkamali ako sa ganito? What if ganito magkamali ako?' Nag-go-overthink ako. 'What if hindi ko magawa nang maayos dito? So, paano ko?' And feeling ko lang 'yun, wala naman nagsasabi eh, pero minsan 'yun kasi nakakatakot eh," paliwanag ni Sanya.

Sa kabila nito, nagpasalamat si Sanya sa mga biyaya na natanggap niya sa pagpasok ng 2024.

"So far this January, ang ganda ng mga nangyayari sa akin eh. Parang paggising ka ng morning, kasi may epekto sa atin eh. Pag-gising mo na maaga at maganda 'yung gising mo parang, 'Lord, thank you sa blessings. Yes. I'm ready,'" ayon sa aktres.-- FRJ, GMA Integrated News