Umaga pa lamang, tila tumatagay na ang mga tao sa isang barangay sa Kabangkalan City, Negros Occidental dahil kakulay ng beer o serbesa ang kanilang tubig na iniinom doon. Pero bukod sa kulay, kakaiba rin daw ang lasa nito na matamis. Bakit kaya?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa Barangay Binicuil matatagpuan ang tubig na kulay serbesa na kung tawagin nila ay tubig na pula.
Ang magkakaibigang sina Raul Iligan, Norberto Gatoc at Bordet, ginagamit daw na "chaser" sa alak ang tubig na pula na kanilang nakukuha sa tatlong magkakahiwalay na gripo.
Ang iba pang mga residente, araw-araw pumipila sa mga gripo dala-dala ang kanilang mga lalagyan ng tubig at plastic container.
Labis pang ikinatuwa ng ilan na libre lamang ito kaya hindi na sila nagbabayad ng buwanang bill sa tubig. Ginagamit din nila ito sa pagluluto at pagsaing.
Ang ginang na si Joanna Estalar, ginagamit ang tubig na kulay serbesa sa pagluluto ng ulam at pagtimpla ng gatas ng kaniyang anak. Sa kabutihang palad, wala pa naman sa mga miyembro ng kanilang pamilya ang nagkakasakit dahil sa tagal ng pag-inom nila sa tubig na pula.
Si Elena Gatoc naman, ginawang negosyo ang tubig na pula na ginawa niyang yelo at tinawag na "yelong pula" sa halagang P3 kada piraso.
Nang mabalitaan ng vlogger na si Bongski Travels ang tungkol sa tubig na pula, ito ang ginawa niyang content.
Ayon sa mga residenteng umiinom nito, masarap ang lasa ng tubig na pula at may kasama ring hiwaga dahil puwede itong mag-apoy.
Natuklasan na sa lalim na higit 100 talampakan, nadiskubre nilang dating may halong natural gas na nakalilikha ng apoy na ginamit noon sa pagluluto ang tubig.
Para malaman kung bakit nga ba ganoon ang kulay ng tubig na may kakaibang lasa at nag-aapoy din, kumuha ng sample ng tubig ang mga eksperto at isinailalim ito sa masusing pagsusuri. Alamin sa video ang kanilang natuklasan kung ligtas ba itong inumin. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News