May tama ng bala ng baril at walang malay ang aktor na si Ronaldo Valdez nang matagpuan sa loob ng kuwarto ng kaniyang bahay sa Quezon City nitong Linggo ng hapon, ayon sa Quezon City Police District (QCPD). Isinugod ang aktor sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Sa ulat ni Marisol Abduhrahman sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabi ni Police Major DonDon Llapitan, hepe ng CIDU-QCPD, na nakita sa loob ng kuwarto si Rolando na wala nang malay at may tama ng bala ng baril.
Nakaupo umano sa Rolando nang matagpuan at nasa kamay niya ang isang baril.
Itinakbo sa ospital ang beteranong aktor pero idineklara nang dead on arrival.
Sa isang pahayag na inilabas ng QCPD nitong Lunes ng umaga, inihayag nito na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon tungkol sa nangyari kay Ronaldo, 76- anyos.
Dahil may nakitang baril, isinailalim sa paraffin test ang lahat ng tao sa bahay bilang bahagi ng standard operating procedure sa imbestigasyon.
Pero hindi umano ito indikasyon na may kinalaman sa insidente ang mga isinailalim sa paraffin test, ayon sa ulat.
Hinihintay pa ang resulta ng paraffin at ballistics test.
Sa pahayag ng QCPD, sinabi nito na maglalabas sila ng opisyal na pahayag kapag natapos na ang kanilang imbestigasyon.
Pinayuhan din ng pulisya ang publiko na huwag gumawa ng mga espekulasyon, at igalang ang privacy ng pamilya ng aktor.
Nitong Lunes din, nagbigay maigsing pahayag si Janno Gibbs at hiniling na igalang ang kanilang privacy sa gitna ng kanilang pagluluksa.
“It is with great sorrow that I confirm my father's passing,” anang singer-actor. “Your prayers and condolences are much appreciated.”
Nang iulat ng QCPD ang pagkamatay ni Ronaldo, napatanong ang ilang netizens kung ano ang nangyari sa beteranong aktor at kung bakit nanggaling sa pulisya ang impormasyon tungkol sa kaniyang pagpanaw.-- FRJ, GMA Integrated News
Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng kausap, maaaring tumawag sa Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline, sa telepono bilang (02) 804-4673; 0917-5584673.
Maaari ding tawagan ang National Center for Mental Health (NCMH) Luzon-wide landline (toll-free) sa numerong 1553. Ang mga Globe at TM subscribers ay maaaring tumawag sa 0917 899 8727 o 0966 351 4518, habang Smart, SUN at TNT ay maaaring tumawag sa 0908 639 2672.