Patay matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Cavite ang umano'y lider ng "Bayawak Gang" na nagbanta kamakailan na manggugulo sa isang barangay sa Las Piñas City.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Gelbirth Albios Puerto, o alyas "Boss Bay."
Ayon kay Quezon City Police District chief Police Brigadier General Redrico Maranan, minanman nila ang grupo hanggang sa masundan si Albios at mapatay sa Bacoor, Cavite.
"Habang sinusundan natin siya, nakatunog na siya ay sinusundan ng ating mga operatiba. Dahil doon, pinutukan niya yung operatiba natin at nagkaroon ng palitan ng putok na ikinamatay ng ating suspek," ayon kay Maranan.
Nakuha sa suspek ang isang baril na mayroong mga bala.
Ayon sa QCPD, sangkot ang grupo ni Albios sa holdapan ng mga convenience store at spa sa National Capital Region at Region 4A.
Pinasok na rin umano ng grupo ang pagiging gun for hire.
Nitong nakaraang Nobyermbre, isang babae umano ang nilikida ng suspek sa Las Piñas matapos na sampahan siya ng reklamo.
“I would like to assure the public, that QCPD will continue to monitor and locate those who are involved in the series of robbery incidents in the city and ensure the safety of all Qcitizens," ayon kay Maranan.—FRJ, GMA Integrated News