Dumalog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktres na si Isabel Rivas para mahanap ang kaniyang kaibigan na dating aktres na si Azenith Briones.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Isabel na dapat na magkikita sila ni Azenith noong Nobyembre 18 pero hindi dumating ang huli.

Dagdag pa niya, hindi na rin niya makontak ang kaibigan sa messenger, viber at cellphone nito.

Maging ang Facebook account umano ng dating aktres ay nawala na. Hinala niya, ang mga taong may hawak kay Azenith ang makagagawa nito.

Batay naman sa isa pang kaibigan ni Azenith na si Paul, minsan naikuwento sa kaniya ng dating aktres ang pagkakaroon nito ng hidwaan sa mga anak patungkol sa pera.

Inilipat umano ni Azenith sa kaniyang account ang kanilang ari-arian nang mag-withdraw ng pera ang kaniyang anak ng apat o limang milyong piso nang hindi niya nalalaman.

Ayon naman kay Isabel, naikuwento sa kaniya ni Azenith na pinapipirma siya ng kaniyang anak ng deed of donation at nang hindi niya pinirmahan ay nagalit ang mga ito sa kaniya.

Sabi ni Paul, masama ang loob ni Azenith nang panahong iyon dahil buhay pa siya ay gusto nang kunin ng kaniyang mga anak ang mga ari-arian niya.

Dagdag ni Isabel, dahil doon may banta na umano sa buhay ni Azenith kaya nagpakuha ito ng seguridad o bodyguard.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi na nila ito makontak.

Batay umano sa nakuhang impormasyon ni Paul, nang araw na off-duty ang bodyguard ng dating aktres, may apat na lalaki umano ang kumuha kay Azenith mula sa bahay nito.

Sino kaya ang kumuha sa dating aktres at nasaan na kaya siya ngayon? May kinalaman kaya ang kaniyang mga anak sa kaniyang pagkawala? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News