Handang gumastos ng sariling pera ang isang babaeng empleyado sa Texas, USA para mabigyan lang ng tiyansang mabuhay at hindi basta patayin sa pamamagitan ng euthanasia o mercy killing ang mga tutang ipinanganak na may sakit o kondisyon.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala si Kathryn Mongrain, 29-anyos, isang emergency vet technician, na may kakaibang dedikasyon at pagmamahal sa mga tutang may karamdaman.
Umaabot na umano sa katumbas na halagang mahigit P1 milyon ang nagagastos ni Kathryn sa animal charity na itinayo niya mismo sa kaniyang tahanan na The Bottle Brigade.
Layunin ng kaniyang charity na iligtas ang mga tuta sa euthanasia o mercy killing katulad ng mga may genetic abnormalities, health issues o premature na ipinanganak.
"I wanted to help care for them until they can be adopted. I set up a nursery in my house. I put all the incubators in my dining room. That way, I didn't have to pay for all the care myself," ayon kay Kathryn.
Sariling pera daw ang madalas na ginagamit ni Kathryn sa pag-aalaga sa mga tuta. Nakakakuha rin siya ng donasyon para sa kaniyang animal charity sa tulong ng social media.
Umaabot na umano sa 200 na tuta ang natulungan ng charity ni Kathryn na karamihan ay may karamdaman o kondisyon.
"Ninety percent of my day is spent looking after puppies. It's very hard work, have a personal life and care for the puppies," saad niya.
Dahil sa limitadong kakayahan at kagamitan sa kaniyang charity, nasa 2-3 puppies lang ang natutulungan ni Kathryn kada buwan bago sila dalhin sa iba pang charity.
At kahit mahirap, patuloy daw itong gagawin ni Kathryn upang maisalba niya sa mercy killing ang mga tuta. -- FRJ, GMA Integrated News