Nagkaharap na at nagkapatawaran sina Senador Bong Revilla at Metro Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations Bong Nebrija. Gayunman, isinailalim pa rin ng MMDA sa preventive suspension si Nebrija dahil sa maling impormasyon niya tungkol sa paggamit umano ni Revilla ng EDSA bus lane nitong Miyerkoles.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, epektibo ang suspensiyon ni Nebrija simula bukas (Huwebes), habang iniimbestigahan ang nangyari nitong Miyerkules kung saan may convoy umano na dumaan sa bus lane na nagpakilalang sakay si Revilla.
Magkasama sina Artes at Nebrija na humarap kay Revilla para ipaliwanag ang nangyari makaraang itanggi ng senador na dumaan siya sa EDSA bus lane.
"Ang decision and we discussed it kanina, we will suspend Col. Nebrija pending the investigation sa nangyari," sabi ni Artes sa press conference sa Senado.
Una rito, iniulat ni Nebrija na sinita ang sasakyan na umano'y lulan si Revilla dahil dumaan sa EDSA bus lane pero hinayaan ding dumaan. Gayunman, napag-alaman na itinawag lang kay Nebrija sa radyo ng tauhan ng MMDA ang sinasabing sinitang sasakyan na nagsabing sakay ang senador.
Pero paliwanag ni Revilla, “My daily commute is from the south to the Senate and there is no possibility I will be on EDSA in Mandaluyong. When attending to official functions in the north, I take the Skyway from and back to the south.”
WATCH: Sen. Bong Revilla, tinanggap ang paghingi ng paumanhin nina MMDA Chairman Romando Artes at MMDA Task Force Special Operations Head Bong Nebrija. pic.twitter.com/ec7u2opqd1
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 15, 2023
Sinabi ng senador na dapat tinekitan siya kung talagang dumaan siya sa lugar na bawal para maging patas sa lahat.
Ayon kay Artes, ang pagsuspinde kay Nebrija ay para maging parehas ang gagawing imbestigasyon.
Sa kabila ng nangyari, tinanggap ni Revilla ang paumanhin ng MMDA at nakipagkamay kina Artes at Nebrija.
Sinabi rin ng senador na hindi na niya itutuloy ang nauna niyang banta na i-recall o bawiin ang budget ng MMDA sa 2024 na nauna nang inaprubahan ng Senado. —FRJ, GMA Integrated News