Isinailalim sa operasyon ang isang paslit na 10-buwang-gulang matapos na makalunok ng isang crucifix at bumara sa kaniyang lalamunan sa La Libertad, Peru.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing ang ina ang nagdala sa bata sa pagamutan para ipa-checkup.
Pagkasailalim ng batang pasyente sa X-ray, doon nakita ang crucifix na nakabara sa kaniyang lalamunan. Halos hindi makapaniwala ang mga doktor sa kanilang nakita.
Malaking hamon sa mga doktor kung paano aalisin ang crucifix dahil posible nitong masugatan ang lalamunan ng pasyente.
“The procedure was very complicated because it was a crucifix and it was lodged in the upper third of the esophagus. Even when we tried to remove it initially, we couldn’t,” sabi ni Dr. Luis Esteves Cabanillas ng Victor Lazarte Echegaray Hospital.
Gumamit ng endoscopy ang mga doktor sa operasyon. Makalipas ang ilang oras, matagumpay nilang naialis ang krus.
“We tried several times until one time I managed to pull the foreign body out,” sabi ni Cabanillas.
Hindi tinukoy sa mga ulat kung saan nakuha ng bata ang crucifix.
Nasa maayos nang kalagayan ang pasyente at siniguro ng mga doktor na ligtas na ang bata mula sa kapahamakan.
“I thank the doctors who miraculously, because as I say, it’s like starting over. It’s a gift, a blessing, a miracle, for saving my daughter,” sabi ni Maricarmen Sajami Rosas, ina ng bata.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News