Makaraan ang hiwalayan nila ng kaniyang karelasyon na si Ken Juan Resquir noong 2021, may bagong nagpapasaya na nga ba sa Kapuso host-comedian na si Boobay?

Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," ipinagdiwang ang kaarawan ni Boobay, at isinalang siya sa segment na "Phone Raid" kung saan sinilip ang mga text message sa kaniyang cellphone.

Ang mga guest na sina Kitkat, Tuesday Vargas, at Pepita Curtis ang sumilip sa cellphone ni Boobay at nakita ang palitan ng "sweet" messages ng komedyante.

Saad ng nagpadala ng mensahe kay Boobay: "Good morning my labs, ingat ka pauwi. My labs. More water luv u."

Sumagot naman si Boobay sa text ng, "Labs, dito pa kami sa Gensan."

Text muli ng kausap ni Boobay, "Waaat! ingat kayo sa byahe. Labs luv u!"

Napa-react tuloy si Tekla sa naturang sweet messages ni Boobay at sinabi nito sa kaibigan na, "Akala ko ba single ka?"

Pero nang i-reveal na nina Tuesday, Kitkat at Pepita kung sino ang ka-text ni Boobay, sinabi nila na ito ay walang iba kung hindi si Marian Rivera.

Kilalang malapit na magkaibigan sina Boobay at Marian. Katunayan, ilang beses na ipinagmamalaki ni Boobay ang tulong na ibinigay sa kaniya ng Kapuso Primetime Queen nang magkasakit siya noon.

Kuwento ni Boobay, ganoon talaga ang tawagan nila ni Marian na kaniyang ka-"church" tuwing Sunday.

Kapag mayroon umanong hindi nakakapunta, nagpapadala sila ng mensahe ni Marian sa isa't isa.

Nagpapasalamat si Boobay na napalapit muli siya kay God dahil pa rin kay Marian.

"I love you my labs," sabi ni Boobay kay Marian.

Taong 2021 nang kumpirmahin ng longtime boyfriend ni Boobay na si Kent Juan Resquir na hiwalay na sila ng komedyante.

Sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong nakaraang Abril, sinabi ni Boobay na sinubukan niyang ipaglaban ang walong taon nilang relasyon ni Kent ngunit may pagtanggap na siya sa katotohanan na maaring hindi na sila magkakabalikan.

BASAHIN: Boobay, sinubukang ayusin ang relasyon sa kasintahan ng 8 taon: ‘I did my part as a partner’

Sinabi noon ni Boobay, mayroon nang bagong kasintahan si Kent na nasa ibang bansa na, at tanggap niya ang pasya nito.

Samantala, inihayag naman ni Tekla na good health ang pinaka-hinahangad niya para kay Boobay, at patuloy na tagumpay sa trabaho.

Ang birthday wish naman ni Boobay,  magtagal pa ng maraming taon ang show nila ni Tekla.-- FRJ, GMA Integrated News