Isa pang mananaya na isang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan sa Lotto 6/42 ang nanalo ng mahigit P34 milyon.
Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing tumama ang 41-anyos na mananaya sa Sampaloc noong Oktubre 12, 2023, nang makuha niya ang lumabas na winning combinations na 13-41-06-25-34-42, at may kabuuang premyo na P34,562,804.20.
BASAHIN: P20 na taya sa MegaLotto 6/45, nanalo ng P42.9-M
Sinabi umano ng lucky winner na sadya siyang naniniwala sa suwerte. Nagkakahalaga ng P20 ang bawat taya sa isang kombinasyon ng mga numero sa lotto 6/42.
“Pagka para sa'yo, para sa'yo talaga. Ibibigay talaga sa'yo ni God 'yon. So kung gusto mo manalo, taya ka lang,” saad ng bagong milyonarya sa inilabas na pahayag ng PCSO.
Plano umano ng babae na bumili ng bagong bahay sa kanilang napanalunan sa tulong ng mga edad at petsa ng kaarawan ng mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Ayon sa PCSO, kinuha ng babae ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO noong Oktubre 16.
Kamakailan lang, inihayag din ng PCSO na isang 24-anyos na babae sa Pasig ang nanalo naman ng P42.9 milyon, at isang kombinasyon din lang ng mga numero ang tinayaan.
Samantala, walang tumama sa Superlotto 6/49 sa draw nitong Huwebes, Nov. 9, na ang lumabas na mga numero ay 11-41-19-47-31-30, at may nakalaang premyo na P114,881,050.60.
Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Lotto 6/42, na ang lumabas naman na mga numero ay 39-07-38-16-05-03, at may jackpot prize na P6,991,276.40.
May draw naman sa Biyernes, Nov. 10 para sa Ultra Lotto na umaabot ang premyo sa mahigit P104 milyon, habang halos P9 milyon naman ang jackpot prize sa kasabay nitong draw na Megalotto 6/45. --FRJ, GMA Integrated News