Dahil sa anim na masasarap na flavor ng suman na inaalok ng isang negosyo sa Malabon City, kumikita ito ngayon ng hanggang P60,000 kada buwan. Ang naturang kabuhayan, nagbibigay din ng trabaho sa senior citizens at mga estudyante.
Sa programang Pera Paraan, itinampok ang Delia's Suman, Kakanin Atbp ni Delia Enriquez, na kahit walang tindahan o puwesto para magbenta, palagi namang sold out.
Nakabebenta ang kanilang home-based business ng 2,000 piraso ng suman kada araw.
Bukod sa sumang malagkit, nagtitinda rin sila ng kamoteng kahoy, ube, pinaghalong kamoteng kahoy at ube, moron at pandan pinipig.
Ayon kay Enriquez, sinimulan nila ang kanilang negosyo noong 2005. Sinubukan muna nila ang kanilang produkto sa isang klase ng suman, hanggang sa maging dalawa at ngayon ay anim na ang kanilang mga flavor.
Sinabi naman sa anak ni Enriquez na si Liezl, pinag-aaralan muna ng kaniyang ina ang mga nakita niyang flavor, hanggang sa magustuhan ito ng mga tao.
Hindi inakala ni Enriquez na ang negosyo nilang suman ang magbibigay ng trabaho sa mga senior citizen, housewife, at mga estudyante sa kanilang lugar.
Kaya naman kahit na sa bahay ginagawa ang negosyo, kumikita naman ito ng P50,000 hanggang P60,000 kada buwan.
Tuwing dadating ang mga okasyon tulad ng Undas at Bagong Taon, ang 2,000 piraso ng suman na nauubos kada araw, nadodoble pa, kaya kaya nilang makabenta ng hanggang 5,000 piraso ng suman kada araw.
“Siguro hanggang may lakas ako, hanggang kaya ko. Kasi nga naisip ko ‘yung mga walang hanapbuhay, kasi wala silang pagkakakitaan talaga eh. Isang malaking bagay na nakakatulong ‘yon,” sabi ni Enriquez.
Tunghayan sa Pera Paraan kung papaano ginagawa ang suman at ang iba’t ibang kuwento ng ilang senior citizen at estudyante na nabigyan ng trabaho ng negosyong suman ni Enriquez.-- FRJ, GMA Integrated News