Iniulat kamakailan ang biglang pagpanaw ng isang 23-anyos na lalaki na nakaranas ng sudden cardiac arrest habang naglalaro ng basketball. Ano nga ba ang kondisyon na ito sa puso at ano ang puwedeng gawin sakaling may makitang inatake nito upang maisalba ang kaniyang buhay?

Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang kuha sa CCTV camera nang bigla na lang napaluhod at mapadapa ang biktima habang naglalaro ng basketball.

Binuhat siya at dinala sa ospital pero binawian din ng buhay. Napag-alaman na nakaranas ng sudden cardiac arrest ang pasyente.

Ayon kay Heartbeat Doc Erdie Fadreguilan, nangyayari ang sudden cardiac arrest kapag nawawalan ng daloy ng dugo sa utak dahil sa hindi epektibong pagbomba ng puso.

Bunga nito, nagkakaroon ng abnormal heart beat na tinatawag na fatal arrhythmia o nakamamatay na heart beat, na humahantong sa biglang paghinto ng tibok ng puso.

"Ito ay nangyayari kapag mayroon tayong risk factor at ito ay depende sa edad. Kapag hindi tumitibok nang epektibo ang puso, hindi dumadaloy ang dugo sa ating katawan at iyon ang puwedeng maging sanhi ng pagkakaroon... o pagwala ng malay," paliwanag niya.

Ayon kay Doc Erdie, magkaiba ang sudden cardiac arrest at ang heart attack.

Ang pasyenteng nakaranas ng cardiac arrest, walang malay, unresponsive at hindi humihinga. Habang ang pasyenteng na-heart attack, maaaring makaranas ng pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, at nahihilo.

Paliwanag pa ni Doc Erdie, sa cardiac arrest, tumitigil sa pagtibok ang puso, habang may nakabara naman sa ugat ang heart attack.

Maaari umanong manggaling sa heart attack ang cardiac arrest, pero hindi lahat ng atake sa puso ay nauuwi sa cardiac arrest. Bukod dito, hindi raw lahat ng cardiac arrest ay galing sa atake sa puso.

Kaya naman magkaibang kondisyon ang dalawang nakamamatay na karamdaman sa puso.

Sa mga pasyenteng mas bata na katulad ng nasa na 35-anyos, sinabi ni Doc Erdie na mas malamang na ang cardiac arrest ay nanggagaling sa tinatawag na Cadiomyopathy o abnormalidad sa muscle sa puso.

Nagkakaroon umano ng problema sa pagbomba ang puso kapag kumapal ang muscle nito.

Ilan daw sa mga sintomas nito ang madaling mapagod, madalas na pagsikip ng dibdib, at nakararanas ng palpitations.

Ngunit sabi ng Doc Erdie, may ibang pasyente na walang nararamdamang sintomas. Kaya mahalaga na magpasuri lalo na kung may miyembro ng pamilya na may history ng naturang kondisyon sa puso.

Sa oras may nakitang tao na nakaranas ng sudden cardiac arrest, suriin ang kaniyang kalagayan kung hindi siya humihinga at walang tibok ng puso. Kung ito ang sitwasyon ng pasyente, maaaring isagawa ang CPR o cardiopulmonary resuscitation habang hinihintay ang medical team na magdadala sa kaniya sa paggamutan.

Pero paano nga ba ang tamang pagsasagawa ng CPR? Tunghayan sa video ang detalyadong demo para sa CPR. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News