Ang naipong pera na ipadadala sana sa Pilipinas ipinampalit ng isang Pinay caregiver sa militanteng Hamas para sa buhay ng kaniyang amo na 95-taong-gulang sa Israel.
Nangyari ito nang pasukin ng Hamas ang bahay ng kaniyang amo sa Nirim sa Israel noong October 7.
Nang sumalakay ang Hamas, ginising umano ang OFW na si Camille Jesalva, 31-anyos, at ang alaga niyang amo na si Nitza Hefetz, ng mga ingay mula sa mga pagsabog. Dahil dito, nagtago ang dalawa sa bomb shelter, ayon sa media analyst na si Emmanuel Miller sa X (dating Twitter).
Pero hindi umano maisara ni Jesalva ang lock sa pintuan ng bomb shelter. Sa labas, nadinig niya ang usapan ng mga tao sa lengguwaheng Arabic.
Hanggang sa isang miyembro ng Hamas ang pumasok sa bomb shelter at nakaharap ito ni Jesalva.
Walang pag-aalinlangan, kinuha ni Jesalva ang kaniyang iniipong pera na nagkakahalaga ng NIS 1,500 ($370) at ibinigay sa Hamas.
Limang taon nang nagtatrabaho kay Hefetz si Jesalva.
“Unbelievably, that's exactly what happened. The terrorists took the money and went away,” ani Miller.
Nang umalis ang Hamas, nagyakapan ang mag-amo hanggang sa dumating ang mga sundalong Israeli pagkaraan ng ilang oras.
Sa ulat ng The Times sa Israel, tinawag ng anak ni Hefetz na si Yael Arieli, na "angel" si Jesalva dahil sa ginawang pagsagip at hindi iniwan ang kaniyang ina.
Pinili muna ni Jesalva na manatili sa Israel para maalagaan si Hefetz.
“The story has touched thousands of Israelis, who deeply appreciate the kindness and humanity of a person caught up in an awful situation that has little to do with them, yet decided to make the choice to act with true love,” ani Miller. —FRJ, GMA Integrated News