Ibinahagi ni Kris Aquino sa kaniyang Instagram post ang pagbisita sa kaniya ng kaibigang si Boy Abunda sa California, USA.

“It was a heartwarming reunion," saad ni Kris. Aniya, nag-“freaked out” si Tito Boy dahil nataon na kailangan siyang bigyan ng "shot" na bahagi ng kaniyang gamutan sa kaniyang karamdaman.

Hindi raw kasi gusto ni Tito Boy na makakita ng karayom [sa pagbabakuna].

“Nagkwento pa lang ako ng pinagdadaanan kong mga treatment at ‘yung at least 18 pieces of vitamins, supplements, as well as medicine to help prevent my migraines and protect my liver because of my chemotherapy and of course, my antihistamines…parang the whole three hours Boy was here he was stopping himself from crying pero bumigay din sya talaga,” ayon kay Kris.

Nasa Amerika si Kris para magamot ang kaniyang autoimmune conditions.

Kahit matagal na hindi nagkikita, nanatiling mabuting magkaibigan ang dalawa. Nagpasalamat din si Kris sa mga tulong ni Tito Boy sa kaniya at kaniyang mga anak.

“Boy never asked for anything pero sa laki ng utang na loob naming sa kanya, (the entire time he managed me for my endorsements as long as it was with my sons his commission was only from my 50%, buong buo for my 2 yung talent fee- lugi nga ako kasi yung 32-35% na tax sagot ko, bilin yun ng mom) binigay ko ng buong buo yung medyo naputol ng ilang beses na footage,” sabi ni Kris sa post.

 

May pahiwatig din si Kris tungkol sa footage ng panayam sa kaniya na si Bimby ang nagbato ng mga tanong. Habang si Batangas Vice Governor Mark Leviste naman ang kumuha ng video gamit ang cellphone.

Nauna nang iniulat na maayos na muli ang relasyon nina Kris at Mark nang bumisita rin kay Kris kamakailan si Kim Chiu na kasama rin si Mark.

Sa pagtatapos ng kaniyang post, nagbigay ng mensahe si Kris para kay Tito Boy na magdiriwang ng kaarawan sa October 29.

"Happy Birthday (Oct 29) to the keeper of all my secrets, the one who assured me that he would be there for my sons no matter what, and the friend who continues to stand by my side in all battles. To my other brother, I love you wholeheartedly," saad ni Kris. — FRJ, GMA Integrated News