Inihayag ni John Lloyd Cruz ang pagiging proud niya sa kaniyang anak na si Elias, na masasabi niyang “nagligtas” sa kaniyang buhay.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inihayag ng aktor ang pasasalamat niya sa mag-asawang sina Ellen Adarna at Derek Ramsay sa pag-aalaga kay Elias sa mga panahong nawawalan siya ng oras para rito.
Si Elias ay anak ni John Lloyd kay Ellen, na dati niyang karelasyon.
“Sobrang panalo. Napakasuwerte ko diyan [kay Elias]. Ang lupit ng naging role niya sa buhay ko noong dumating na siya,” sabi ng aktor.
“Siguro ‘yung pinakasimpleng mapapaliwanag ko, siya is... si Elias, niligtas niya ang buhay ko. Hindi ko ma-imagine ang buhay ko kung paano matutuloy hindi dumating ‘yan,” pagpapatuloy niya.
“Ang dami niyang ibinigay na bagong kahulugan, bagong duties. All of a sudden iba na ang tingin mo sa lahat,” patuloy ni John Lloyd.
Inamin naman ni John Lloyd na hamon ang pag-co-parent nila ni Ellen kay Elias.
“That’s a bit of a challenge. Ayokong i-sugarcoat kasi ayokong mag-pretend. We're co-parenting, but depende eh, sa definition mo ng co-parenting.”
Inilahad ni John Lloyd ang estilo ng pagpapalaki niya kay Elias.
“Siguro ‘yung to lead without imposing. Gusto ko siyang tanungin and gusto kong mag-develop siya ng capacity to decide on certain things. Siyempre ‘yung mga bagay na hindi pa niya kayang desisyunan, ‘yun ang role namin,” saad ng aktor.
Nagpapasalamat din siya kina Ellen at Derek sa pag-iisip sa kapakanan ni Elias.
“Napakasuwerte ko. Marami diyan ‘yung similar cases na kagaya sa akin, much lesser ‘yung time with the child or halos no time at all. Kaya napakasuwerte ko at ako ay nagpapasalamat kay Ellen, kay Derek, dahil iniisip nila ‘yung kapakanan ng bata,” paliwanag ni John Lloyd.
Susuportahan daw niya kung ano man ang piliing karera ni Elias.
“Like I said, lead without imposing. Pero mas gusto kong sundan, kung mahilig siya sa sports, kung ano man ang makakahiligan ng bata,” sabi ni John Lloyd.--FRJ, GMA Integrated News