Magkahalong takot at pagtataka ang nararamdaman ng isang pamilya sa Bulan, Sorsogon dahil bigla-bigla na lang nasusunog ang mga gamit sa loob ng kanilang bahay. Ang hinihinalang nasa likod ng misteryo, isang elemento na hindi nagustuhan ang ginawa nilang pag-uwi ng imahen ng Sagrada Familia sa kanilang tahanan.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing humingi ng tulong sa programa sina Baby Rose Gueta at asawang si Johndey dahil hindi na nila alam kung ano ang kanilang gagawin.

Pero habang patungo na ang KMJS team sa kanilang bahay sa bayan ng Bulan, muling nagkasunog sa bahay at inabot na kanilang bubong na gawa sa anahaw.

Halos maabo ang lahat ng gamit nina Rose at Johndey. Masuwerte namang walang nasaktan sa isa namang pangyayari na biglaan.


Sinabi ni Rose na iyon na ang ikapitong insidente ng sunog sa kanilang tahanan.

Nag-umpisa raw ito isang buwan pa lang ang nakararaan nang mabili nila sa harap ng simbahan ang isang imahen ng Holy Family o Sagrada Familia. May basbas na rin daw ng pari ang imahen.

Panata na nina Rose at Johndey na magsimba sa Our Lady of Salvation sa Tiwi, Albay, kahit na limang oras ang layo nito sa kanila.

Lagi raw nilang ipinagdarasal ang paggaling ng kanilang unica hija na may hindi matukoy na sakit. Nagdurugo raw ang ilong, bibig at tainga nito.

Pero pagkalipas ng ilang novena, hindi na dinugo ang kanilang anak. Kaya naman ginawan nila ng altar ang imahen bilang pasasalamat.

Ngunit tila may kapalit ang paggaling ng kanilang anak.

“Noong buntis po ako, nakakakita po ako ng mga anino malapit sa may nasa labas. Anino ng lalaki po,” sabi ni Rose.

Ayon naman kay Johndey, “Bale kinikilabutan ako kapag pumapasok ako sa bahay. Parang may kakaiba talaga.”

Hinala nila, tumututol ang isang kakaibang nilalang sa ginawa nilang pag-uwi sa bahay ng imahen ng Holy Family.

May pagkakataon daw kasi na nakikita ang imahe na nasa ilalim ng kama. Dahil sa paniwalang baka may ipinararating itong mensahe, inaalayan nila ito ng kandila at bulaklak.

Pagkaraan ng ikalawang linggo ng pananatili ng imahen sa kanilang tahanan, bigla na umano itong lumuha ng dugo.

“Dugo po talaga siya. Hindi na namin pinunasan. Masasabi mong buhay siya,” sabi ni Rose.

Upang malaman kung anong misteryo ang nangyayari sa bahay, binisita ito ng paranormal investigator na si Ana Liza Dela Cruz.

Pero pagpasok ni Ana sa bahay, naduwal siya at sinabing ayaw patirahin ng kakaibang nilalang sina Rose sa lugar.

At nang ipatingin ni Ana kay Rose ang nilalang, natatakot niyang inilarawan ang hitsura nito na, "lalaki, mahaba ang tenga, at kulay pula ang mga mata."

Si Rose hindi na kinaya ang sitwasyon at naiyak nang kausapin daw siya ng kakaibang nilalang at may binanggit tungkol sa anak niya.

Ayon kay Ana, "lapitin" si Rose at nahahatak nito ang nilalang o elemento.

Ang naturang elemento raw ang dahilan ng sunog at itinatago nito ang imahe ng Holy Family dahil napapaso ito kapag nakikita.

May magagawa pa kayang paraan si Ana para maprotesyunan sina Rose laban sa kakaibang nilalang, at matukoy kaya ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog sa tahanan nina Rose? Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News