Naniniwala ang Philippine Olympic Committee (POC) na hindi babawiin sa Gilas Pilipinas ang nakuha nilang gintong medalya sa katatapos lang na Asian Games sa basketball sa kabila ng usapin na bumagsak sa drug test ang naturalized player na si Justin Brownlee.
Batay umano sa resulta ng pagsusuri ng International Testing Agency (ITA), nagpositibo si Brownlee sa ipinagbabawal na Carboxy-THC, na may kaugnayan sa paggamit ng "cannabis."
Ayon kay POC president Abraham "Bambol" Tolentino, batay sa patakaran ng Olympic Council ng Asia Anti-Doping Rule, maaaring bawasan ng puntos o madiskuwalipika kung higit sa dalawang manlalaro ang mapapatunayang lumabag o bumagsak sa test.
Sa koponan ng Gilas, tanging ang itinuturing "hero" sa kritikal na mga laro na si Brownlee lang ang nagpositibo.
"We're still gold. That will not be affected. Kasi ang rule diyan sa anti-doping rule, if that's a team event, bago ka ma-strip of any medals or what, dapat more than two athletes [ang positive]," sabi ni Tolentino sa GMA News Online.
Sinabi rin ni Tolentino na mayroong hanggang October 19 si Brownlee para patunayan sa ITA na hindi tama ang resulta ng drug test.
Kasunod nito ay puwede niyang iapela na suriin ang kaniyang B Sample. Ngunit kung lalabas na bagsak pa rin siya sa drug test, mapapatawan siya ng two-year suspension.
Saklaw sa naturang suspensiyon ang paglalaro sa FIBA tournaments, ani Tolentino.
"After October 19 pa 'yung ise-set ng ITA so after October 19, doon pa nila ise-set 'yung date kung kailan 'yung sample B. If it's still positive, the two-year suspension of Brownlee will be sustained," paliwanag ni Tolentino.
"Might be [kasama ang FIBA-sanctioned events] kasi baka ibigay nila 'yung result sa FIBA. So the FIBA will also implement that," dagdag niya.
Ayon pa kay Tolentino, posibleng nakuha ni Brownlee ang prohibited substance nang nasa Amerika ito dahil sa foot injury at sumailalim siya sa medical procedure.
"Nakausap ko na 'yung SBP kasi hatinggabi namin natanggap 'yan. Brownlee had a medical procedure and treatment before Asian Games, kaya nga siya hindi nakalaro sa World Cup kasi nagpapagaling siya sa US," paliwanag ni Tolentino.
"So baka merong napasamang gamot doon na prohibited or what, eh kasi legal sa US and legal sa Europe so we will just put it in the appeal kung ano man 'yung records na hawak niya," sabi pa ng opisyal. —FRJ, GMA Integrated News