Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong si Kazel Kinouchi kung natutuwa ba siya o nababahala na mas kilala siya ng mga tao bilang si Zoey Tanyag, na karakter niya sa hit afternoon GMA series na "Abot-Kamay na Pangarap."

Kuwento ng host ng talkshow na si Tito Boy, habang papunta siya sa programa ay may sinabihan siya na si "Kazel" ang guest niya sa pero mas kilala siya na si Zoey.

"I'm very very happy na they know me as Zoey," ayon kay Kazel. "Actually kapag lumalabas ako Tito Boy, Zoey talaga ang tawag sa akin ng mga tao."

Masaya raw si Kazel dahil patunay daw iyon na effective ang kaniyang pagganap sa karakter.

Tinanong ni Tito Boy si Kazel kung may nanabunot o nakurot na ba siya ng mga tao na sa inis sa kaniyang karakter.

"Hindi naman po so far," natatawa niyang sagot. "Kapag nakikita nila ako nawawala yung galit nila sa akin."

Ayon kay Kazel, ngumingiti kaagad siya sa mga tao.

Sa naturang panayam din, ikinuwento ni Kazel na noon pa man ay gusto na niya talaga ang role na nagtataray o kontrabida dahil mas madali para sa kaniya.

Sabi pa ni Kazel, minsan pinagawa raw sa kaniya na maging mabait at gayahin ang sweet na karakter ni Dr. Analyn Santos (Jillian Ward), pero hindi raw bagay kaniya.--FRJ, GMA Integrated News