Kapag hindi busy sa showbiz, sa maliit na kainan niya sa Bagong Bantay, Quezon City makikita ang komedyanteng si Mosang, na kumikita umano ng aabot sa P100,000 kada buwan. Ang pagkain na binabalik-balikan ng kaniyang mga parokyano, ang "Budbod," o sinangag na may toppings.
Sa “Pera Paraan,” nakita ng host ng programa na si Susan Enriquez kung gaano karami ang bumibili sa karinderya o kainan ni Mosang na “Elcep’s Budbod.”
Kaya naman kailangan ding maghintay ni Susan para matikman ang budbod ni Mosang, o Maria Alilia Bagio sa tunay na buhay.
Ang Budbod ay nagsimula sa Rizal na sinangag na may toppings na kagaya ng maskara ng baboy, tocino, maling, hotdog at tapa.
Ayon kay Mosang, 2009 niya sinimulan ang kaniyang karinderya ngunit wala pa silang signature dish noon. Hanggang sa madiskubre niya ang budbod noong 2011.
“Kapag nilakad mo ang Bagong Bantay, marami ditong karinderya eh. Noong nagsimula ako talagang suntok sa buwan, sabi ko ‘Ay ang daming nagtitinda ng ulam,’” kuwento ni Mosang.
Ngunit pumatok ang kaniyang budbod at ito na ang kaniyang naging menu sa loob ng 12 taon.
Bata pa lamang, pinangarap na ni Mosang na magkaroon ng sariling kainan dahil may karinderya rin noon ang kaniyang ina na mga jeepney driver ang madalas na kostumer.
“Sabi ko sa sarili ko, ‘Paglaki ko gusto ko ng business, pagkain din.’ Kasi sabi niya sa akin, ‘Kung gagawa ka ng business, ‘yung hilig mo, ‘yung alam mo sa sarili mo na confident ka, aprubado mo na kaya mong gawin,’ kasi I cook also,” anang komedyante.
Kahit abala sa taping, tinitiyak ni Mosang na nababantayan pa rin niya ang kaniyang negosyo.
Sa halip na ipangalan niya sa kaniyang sarili ang kaniyang karinderya, ipinangalan niya ito sa kaniyang anak.
“Nahihiya ako, huwag ‘yung pangalan ko. Iba naman ito. Ito kasi, eventually para sa anak ko,” sabi ni Mosang.
Sa lakas ng kaniyang kainan, nakakaubos sila ng isang sako ng bigas, at dalawang dosenang tray ng itlog sa isang araw.
May 10 tauhan ngayon si Mosang na nag-aasikaso ng kainan, at mayroon na rin siyang natulungan para mapagtapos ng pag-aaral.
“One of the best thing na nagawa nito, maraming napaaral ito,” sabi ni Mosang.
Isa na rito si Jumel Aaron Bagio, na nagtatrabaho na sa kainan ni Mosang noon pang 2017, at nakapagtapos ng kursong Food Service Management.
“Sa pag-aartista kailangan mabilis kang mag-memorize ng mga bagay-bagay, marunong kang makisama sa tao. Ganu’n din sa pagtitinda. Sa pag-aartista pareho rin eh, kailangan mo ng disiplina, ng commitment," sabi ni Mosang.
"Sa pagtatayo ng business kailangan mo ng disiplina rin in terms sa paghawak ng pera, huwag kang bulagsak. Kung kumita ka, huwag mong ubusin, magtabi ka,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News