Gaya ng paghaharap nila sa nagdaang Fiba World Cup, pinalasap muli ng Gilas Pilipinas ang kabiguan sa host China, 77-76, sa kanilang laban sa Asian Games nitong Miyerkules. Dahil sa panalo, lalaban para sa gold medal ang Pinoy squad, na huling nangyari noong 1990.
Makakaharap sa Biyernes ng Gilas sa finals ang Jordan, na tanging tumalo sa team Pilipinas sa ginaganap na Asian Games. Makakalaban naman ng China ang Chinese Taipei para sa bronze.
Sa laban na ginanap sa Hangzhou Olympic Centre Gymnasium ngayong Miyerkoles, umabante ang China sa haftime nang magpakawala ng 29 na puntos ang host country, at nilimitahan sa 13 puntos ang Gilas, 48-30.
Mula sa tanging anim na puntos sa first haft, tila nagising sa third period si Justin Brownlee para pangunahan ang 13-7 run na may kasamang tres para ibaba sa 10 ang lamang ng China, 50-60.
Nagpatuloy na ang pag-init ng kamay ni Brownlee sa fourth period, na nagpakawala ng tatlong tres, na sinamahan ng puntos ni Kevin Alas para idikit ang laban sa 71-67.
Pero hindi basta sumuko ang China matapos na pumuntos sina Du Runwang at Hu Jinqui para manatili ang abante nila, 75-67 na mahigit tatlong minuto ang nalalabi sa laban.
Nang nasa 1:03 na lang ang naglalabi, lamang pa rin ang China ng lima, 76-71 pero nagpakala ng tres si Brownlee para sa iskor na 76-74.
Inulit ni Brownlee ang pagbato ng tres na 24.6 segundo ang natitira sa oras na nagbigay na sa Gilas ng isang puntos na kalamangan, 77-76.
May pag-asa pa sana ang China na biguin ang Gilas sa natitirang play pero sumablay sa kaniyang jump shot si Zhang Zhenlin hanggang sa matapos na ang laban.
Nagmarka si Brownlee ng 33 puntos, limang rebounds at four assists. Habang nagdagdag si Scottie Thompson ng 13 puntos, walong rebounds , at tatlong assists. —FRJ, GMA Integrated News