Bukod sa marunong magsalita ng Tagalog at Waray, dinala rin ng isang babaeng Dutch sa kaniyang bansa sa Amsterdam, Netherlands ang mga pagkaing Pinoy. Ang lahat ng iyan, dahil sa kaniyang pagmamahal sa kaniyang mister na isang Pinoy.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Vonne Aquino, napag-alaman na napangasawa ni Beata Duma, ang Pinoy na si Rainier, na tubong-Samar.
Taong 2003, umuwi sila ni Rainier sa Pilipinas para sa kanilang kasal. Pagbalik nila sa Netherlands, gusto niyang makatikim ang kaniyang mga anak ng Filipino foods kaya sinanay niya ang sarili na magluto nito.
“Minsan mahirap talagang magtimpla kaya noong nagluluto ako, lagi akong may kasamang Filipino talaga,” sabi ni Beata.
“Nagka-interes talaga ako na siyempre ‘yung asawa ko love na love ko talaga siya, ‘yung pinanggalingan niya, tsaka ‘yung mga food, ‘yung culture, importante rin ‘yan sa akin kaya desidido talaga ako na gusto ko talagang matuto pa magluto ng Filipino food,” dagdag niya.
Sinasabayan din ni Beata ng pag-aaral ng Tagalog at Waray ang kaniyang pagluluto ng Filipino food para naunawaan niya ang asawa at pamilya nito kapag nag-uusap.
Ang kaniyang pagsasalita ng Tagalog at pagluluto ng putaheng Pinoy ang nagsilbing daan para pumatok ang negosyo nila na catering at food takeaway sa Amsterdam.
Nang mga panahon na iyon, si Rainier pa ang nagluluto. Pero noong 2019, nagkasakit ang kaniyang asawa kaya siya na rin ang nagluto ng mga ulam gaya ng lechong kawali, sisig, dinuguan, ginataang manok at kalabasa, kare-kare, kaldereta, pansit canton, palabok at bihon.
Natuto na rin siyang magluto ng mga Pinoy dessert gaya ng kutsinta, leche flan, pichi-pichi.
Hanggang sa dumating ang malungkot na sandali nang pumanaw na si Reiner dahil sa kidney failure.
Gusto na sanang itigil ni Beata ang kanilang food business, ngunit nakakilala siya ng isang business partner na nag-motivate sa kaniya na ipagpatuloy ang nasimulan nila ng kaniyang asawa..
Kaya kahit wala na si Reiner, ipinagpatuloy ni Beata ang pagluluto ng mga putahe at kakaining Pinoy. Sa ganitong paraan daw nananatiling buhay ang mga masasayang alaala ng kaniyang mabuting mister.
“I-continue ko na rin ‘yung journey ko sa Tagalog and Waray at saka sa mga food ko, para makaka-share pa rin ako sa mga anak ko. Importante rin sa akin na hindi mawawala sa mga bata kasi kahit paano half-Filipino rin sila,” sabi ni Beata. -- FRJ, GMA Integrated News