Namamangha ang ibang nakakapansin sa mga mata ng isang 19-anyos na babae dahil may kulay silver o pilak sa gitna nito. Ngunit indikasyon pala ito ng isang napakapambihirang karamdaman na posible raw na kauna-unahang kaso sa Pilipinas.

Sa ulat ng “Dapat Alam Mo!,” ibinahagi ng ina na si Doreen Lachica na 12-anyos lang ang kaniyang anak na si Lyza nang may kakaiba itong maramdaman.

Pagkauwi noon galing sa eskuwelahan, idinaing umano ni Lyza na nahihilo at nasusuka siya.

“‘Yung mga tao raw na nakakasalubong niya feeling daw niya dadagsain na siya,” sabi ni Doreen.

Matapos nito, sumakit na rin ang mga kasu-kasuan ni Lyza, at pagkalipas ng ilang linggo ay nahirapan nang makarinig ang bata.

“‘Ma, ‘yung tainga ko maingay, parang eroplano, parang air-con,’” kuwento ni Doreen na sinabi ng kaniyang anak.

Nahirapan na ring makakita si Lyza na nagsimula nang magkaroon ng kulay pilak sa gitna. Ang kaniya namang puso, unti-unting nabubutas.

Sa kabila ng pagpapakonsulta sa iba’t ibang ospital, hindi kaagad matukoy ang kaniyang sakit.

Hanggang sa madiskubre na mayroong Cogan Syndrome si Lyza, isang uri ng autoimmune disease.

Ayon kay Richard Nepomuceno, eye surgeon sa Philippine General Hospital, inaatake ng immune system ng tao ang sarili niyang katawan.

"Ang nangyayari sa cornea, inaatake siya so nagkakaroon ng puti-puti, so lumalabo yung paningin. Kasabay noon, nagkakaron ng problema sa tainga," paliwanag ng duktor.

Inaatake rin nito ang balance system sa tainga at ang hearing system nito.

Hindi naman namamana o nakahahawa ang Cogan Syndrome, na isang bihirang kondisyon.

Posibleng si Lyza pa lamang ang kaso nito sa bansa, ayon kay Nepomuceno.

“There are only about 250 cases na reported, it’s very rare,” sabi ng duktor.

Ang gamutan ng bata ay magiging depende sa mga apektado niyang bahagi ng katawan at mga nararanasang sintomas.

Patuloy na lumalaban si Lyza sa tulong ng mga pagmamahal at suporta ng kaniyang pamilya.

“My family is really great because they’ve been patient with me, and I’m happy that they are always by my side,” anang dalaga.

Sa mga nais tumulong kay Lyza:

Dareen Villanueva
Gcash
0961-663-1052

--FRJ, GMA Integrated News