Pagkaraang mamatay dahil sa sakit, aksidenteng na-mummified, at ginawang display sa isang punerarya sa Reading, Pennsylvania, USA, sa wakas ay maililibing na ang bangkay ng isang dating bilanggo pagkaraan ng 128 taon.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing hindi natukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng bilanggo dahil peke ang ibinigay niyang pangalan nang makasuhan sa salang pagnanakaw.
Habang nakakulong, namatay ang bilanggo dahil sa sakit sa bato noong November 1895. At habang iniembalsamo gamit ang modernong pamamaraan noon, aksidenteng na-mummified siya ng mortician.
Dahil hindi nakilala ang kaniyang mga kamag-anak, hiniling sa mga awtoridad na panatilihin na muna ang bangkay sa punerarya para masuri ang epekto ng embalsamo.
At nang tumagal, ginawa na siyang display sa punerarya at binigyan ng pangalang na "Stoneman Willie."
Pero pagkaraan ng maraming taon at modernong teknolohiya para matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan, mabibigyan na siya ng disenteng libing.
Isasabay ito sa selebrasyon ng kasarinlan ng lugar, at ilalagay sa kaniyang paghihimlayan ang tunay na pangalan ni "Stoneman Willie" sa darating na Sabado.
Ang mga residente na itinuturing bahagi na rin ng kasaysayan ng kanilang lugar si Stoneman Willie, masaya para sa kaniya. --FRJ, GMA Integrated News