Ang dating tindang chicken pops ng isang 22-anyos na college student na makikita lang noon sa labas ng bahay, ngayon, may puwesto na at six digits ang kinikita kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," itinampok ang negosyong chicken pops na MaiCo 2.0 ni Copper Andres, na kumukuha ng kursong entrepreneurship sa kolehiyo.
Noon pa man, hilig na ni Andres ang magnegosyo o pagtitinda kahit pa sa paaralan.
“Nagtinda po ako sa school ng mani, eh basketball player po ako no’n. Hindi ko po akalain na aasarin po nila ako, tinawag nila akong ‘Mani for three points!’ Sinabi ko lang sa sarili ko na laban lang as long as wala kang ginagawang masama and as long as gusto mo ‘yung ginagawa mo,” sabi ni Andres.
Bukod dito, nasubukan na rin ni Andres na magtinda ng karne, gulay at itlog, at iba pang maaaring mapagkakitaan.
Sinimulan ni Andres ang kaniyang negosyong chicken pops noong 2020 dahil sa pangangailangan para sa kaniyang tuition. Sa isang punto, muntik pa aniya siyang tumigil sa pag-aaral.
Ang naipon na P5,000 ang ginamit na puhunan ni Andres. Ibinibenta niya ang kaniyang mga produkto sa labas ng kanilang bahay.
Dahil pumatok ang kaniyang negosyo, naghanap na siya ng malaking puwesto.
“Noong nag-start po ako, isa lang ‘yung bumili. Pero sinabi ko sa sarili ko na hanggang may isang naniniwala magpapatuloy po ako,” sabi ni Andres.
Ngayon, mayroon nang siyam ang flavors ng kanilang chicken pops at ang best seller ay ang kaniyang spicy salted egg, parmesan cheese at spicy buffalo.
Bukod dito, meron din silang chicken fingers at chicken wings, na perpektong kapares sa kanilang fried rice.
Pinipilahan din ang kaniyang ice scramble.
“Sobrang fulfilling po ng pakiramdam dahil dati nagsisimula ka pa lang walang naniniwala sa ‘yo. Dati inaalok mo lang hindi ka pinapansin. Nag-start po ako ng P5,000 capital at ngayon earning six digits kada buwan po,” sabi ni Andres.
“Nakakatulong po ako sa parents ko dahil ako po ang nagbabayad ng tuition fee ko po, ‘yung pang-araw-araw na pagkain din, pambayad ng kuryente, tubig. Talagang hindi na ako humihingi ng tulong sa parents ko po,” dagdag niya.
Panoorin kung papaano gumawa ng chicken pops. -- FRJ, GMA Integrated News