"With all honestly, I was moved with that statement." sabi ni Isko Moreno tungkol sa naging mensahe ng isang lalaki na nakilala niya sa segment na "G sa Gedli" ng "Eat Bulaga.
Sa isang episode ng naturang noontime show sa GMA 7, isang maliit na karinderya ang pinasok nina Yorme Isko, kasama si Cassy Legaspi, dahil wala ang kaniyang sidekick na si Buboy Villar.
Gaya ng dati, nagbigay ng munting tulong pinansiyal sina Isko at Cassy sa ilang kumakain sa karinderya.
Isa sa mga napili ni Yorme na bigyan ng tulong ay ang lalaki na magpapadala ng pera sa kaniyang ina na nasa Iloilo.
Bilin ni Isko sa lalaki, para mapasaya nito ang ina, ipadala niya ang ibinigay na P5,000 na cash.
At para naman makatipid sa gastos at magkaroon na ng budget sa pang-araw-araw na pagkain ang lalaki para hindi na ibawas sa kaniyang sahod, binigyan pa siya ni Isko ng panibagong P5,000 cash.
Nang hingan ng mensahe, hindi inasahan ni Yorme ang sasabihin ng lalaki matapos magpasalamat sa Diyos sa natanggap na biyaya.
"Maraming salamat po specially kay God," panimulang mensahe ng lalaki. "And siyempre sa Eat Bulaga po. Kasi alam ko naman maraming challenges tayong nangyayari ngayon pero nandyan pa rin kayo para tumulong sa mga kapuwa-tao na nangangailangan. Maraming salamat po sa Eat Bulaga."
Labis na ikinatuwa ni Isko ang tinuran ng lalaki na marami silang pagsubok na hinaharap sa show pero tuloy-tuloy pa rin ang pagtulong ng programa.
Kaya sabi ni Isko sa lalaki, "Salamat naman na appreciate mo. With all honestly, I was moved with that statement. Naisip mo kami."
Pagtiyak ni Yorme, patuloy silang maghahatid ng tulong at saya sa "Eat Bulaga." --FRJ, GMA Integrated News