Ikinagulat ng mga residente ng Palimbang sa Sultan Kudarat ang nakita nilang saltwater crocodile na lumalangoy sa Wasag Bay.
Sa ulat ni Abby Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nakita ang buwaya noong Miyerkules.
Ito umano ang unang pagkakataon sa matagal na panahon na muling may nakitang buwaya sa Wasag Bay.
"Sa matagal na panahon hindi tayo nakakita o nakapansin ng buwaya dito. Ngayon lang ito nagkataon. Palagay ko ito naligaw lang," ayon kay Pendaliday Kiram, ng Palimbang- Municipal Environment and Natural Resources Office.
Hinuli ang buwaya na nasa 12 talampakan ang laki.
Masusing sinusubaybayan ang buwaya para matiyak na maayos ang kaniyang kalagayan.
"Kinuha ng MEMRO para maalagaan at masuri kung ano ba ang mga dapat gawin para sa kaniya," ani Kiram.
Hihintayin din ang magiging desisyon ng lokal na pamahalaan ibabalik ba ang buwaya sa karagatan o mananatili na lamang sa pangangangalaga ng MEMRO.
Pinayuhan naman ang mga residente na mag-ingat at kaagad na ireport sa mga awtoridad kung may makita pang buwaya sa lugar.-- FRJ, GMA Integrated News