Pumanaw ngayong Biyernes matapos na isugod sa ospital ang dating alkalde at kongresista ng Marikina na si Bayani Fernando.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, kinumpirma ng kaniyang maybahay na si Marides ang malungkot na balita.
Isinugod umano si Fernando, 77-anyos, sa Quirino Memorial Hospital ng Rescue 161 Marikina kung saan siya binawian ng buhay.
Sa naunang ulat ni Juego, sinabi umano ng isang impormante na dinala sa ospital si Fernando matapos mahulog mula sa bubungan ng kanilang bahay.
Nagsilbi si Fernando bilang alkalde ng Marikina City mula 1992 hanggang 2001.
Pagkaraan nito, pinamunuan niya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula 2002 hanggang 2009.
Kabilang sa mga mahigpit na programa na ipinatupad niya bilang pinuno ng MMDA ang "Disiplina sa Bangketa" na nais niyang magamit nang husto ng mga naglalakad.
Mula 2016 hanggang 2022, naging kongresista naman siya ng unang distrito ng Marikina.
Sa inilabas na pahayag ng MMDA, ikinabigla nila ang biglaang pagpanaw ng dati nilang pinuno.
"Under his helm, he put the MMDA in the spotlight. He was the person behind rapid bus lanes and the 'Metro Gwapo' campaign transforming the region into a livable metropolis," ayon sa MMDA.
"A man of few words, Fernando is known to be a workaholic and a disciplinarian among MMDA employees," dagdag nito.
Noong 2010 elections, tumakbong bise presidente si Fernando ngunit nabigo. Katambal niya noon bilang presidential candidate si dating Senator Richard Gordon. —FRJ, GMA Integrated News