Dahil sa pagdami ng mga sasakyan, kailangang magsikap ang mga kutsero at ng kanilang mga kabayo sa pagbiyahe upang makakuha ng pasaherong turista sa Intramuros, Maynila kahit pa malakas ang ulan.
Sa kuwentong I-Witness ni Sandra Aguinaldo, itinampok si Eduardo Zarate, o mas kilala bilang si Mang Ador, na 60 na taon nang kutsero.
Sa isang araw niya ng pagtatrabaho, inilabas niya ang kaniyang kabayong si "Choy," at kinabitan ng karitela na kung tawagin nila ay tartanilya.
Suot pa ang kaniyang uniporme, kasama ni Mang Ador si Emong, ang handler o katuwang niya sa pagkakabayo, at ang kaniyang apo.
Ilang saglit pa, tumigil sila sa Manila Cathedral sa Intramuros kung saan may permit ang pagsakay ng mga pasahero ng kalesa.
Sa paghihintay ng pasahero, biglang umulan nang malakas. Sa kabila nito, nanatili lamang ang kabayong si Choy sa kaniyang puwesto.
Hanggang sa nagdesisyon si Mang Ador na lumipat ng puwesto para maghanap ng ibang pasahero.
Sa Choy, may takip ang mga mata na sinuong ang ulan at walang reklamong naglakad sa basang kalsada.
Dahil sa ulan, naging mas matumal ang pasahero. Kaya bumalik na lamang sila sa harap ng Manila Cathedral upang muling maghintay.
“Wala pa ang mga padyak na ‘yan, wala pa ‘yung tricycle, wala pa ‘yung e-trike, wala pa ‘yung Toktok,” kuwento ni Mang Ador nang magsimula siya noon na maging kutsero.
Ayon pa sa kaniya, karamihan ng mga kutsero ay nasa Intramuros, kung saan dito na lamang karaniwang matatagpuan ang mga kalesa.
Dahil mahalaga sa hanapbuhay ng mga kutsero ang mga kabayo, sinisikap nila itong mapanatiling maayos ang kalusugan.
Ngunit may pagkakataon na hindi maiiwasan na sila ay nadidisgrasya o mababalian. Bukod pa sa tumatagal lang ng 25 hanggang 30 ang kanilang buhay.
Kaya naman pagsapit ng kabayo sa edad 15 hanggang 18, itinuturing papunta na sila sa pagtanda at kinalaunan ay magreretiro na.
Ngunit ano nga ba ang mangyayari sa mga kabayo kapag dumating na ang oras na sila ay kailangan nang magretiro at hindi na puwedeng isama sa pamamasada?
Tunghayan ang kinahahantungan ng ilang kabayo sa video na ito ng I-Witness.
--FRJ, GMA Integrated News