Kinatatakutan umano ng ilang motorista ang isang tunnel sa Cebu City dahil sa sinasabing pagpaparamdam ng isang bata na umaangkas pa pagsapit ng gabi. May kinalaman kaya rito ang isang bata na sinasabing nasawi sa tunnel dahil sa aksidente?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang SRP South Road Properties Tunnel, na halos isang kilometro ang haba at nagdudugtong sa Timog na bahagi ng Cebu at ng sentro ng komersyo sa Cebu City.
Sa umaga, sinasabing normal na lagusan ang tunnel. Pero pagkagat ng dilim, tila nagsisilbi raw itong kanlungan ng isang batang multo.
Ang grupo nina Elgie Oberes at Geryan Alivio na Cebu Ghost Hunters, naglakas-loob na magsagawa ng paranormal exploration sa tunnel.
Sa kanilang pagbabaybay sa tunnel, nakaramdam sila ng bigat ng pakiramdam at tila mainit ang hangin. Habang nagvi-video, may nakunan silang sumilip na tila isang itim na pigura sa isang bahagi ng sagusan.
Ang motorcycle rider naman na si Ryan Gijapon, ikinuwento na may nakita siyang bata na nasa likod at nakaangkas sa isa pang nakamotorsiklo na nauuna sa kaniya.
Hinabol raw ni Ryan ang naturang rider pero nang abutan niya, wala na ang bata. Sinabi rin umano ng rider na wala siyang angkas sa motorsiklo.
Ang isa ring rider na si Nico Toring, sinabi naman na may naririnig siyang bumubulong sa kaniya ng “Uy!” habang nasa biyahe dakong 11 ng gabi.
Hanggang sa may naramdaman siyang tumatapik sa kaniyang balikat. Pero iniwasan niya itong tingnan sa takot na baka madisgrasya siya.
Halos maaksidente naman daw ang isa pang rider na si Erlier Revilla, nang makita niya mismo ng bata sa kaniyang side mirror habang nasa biyahe rin.
Napag-alaman na taong 2006 nang umpisahan ang construction ng lagusan, at may nahukay daw na mga buto ng tao sa naturang lugar na pinaniniwalaan mula sa panahon ng World War II.
Noong buksan sa publiko ang lagusan noong 2010, may nangyayari umanong disgrasya kada taon.
Sa pag-iimbestiga ng paranormal researcher na si Ed Caluag, kasama ang Cebu Ghost Hunters at iba pang may kakaibang karanasan sa tunnel, nagkaroon sila ng pagkakataon na makausap ang batang nagpaparamdam sa lagusan.
“Basag ‘yung dito (mukha) niya, parang nakalabas ‘yung mata. Parang bali ‘yung kamay. Bulol magsalita, hindi ko maintindihan,” sabi ni Ed.
Sa patuloy na pagsasaliksik ng Team ng KMJS, napag-alamang noong 2017, isang apat na taong gulang na bata ang nasagasaan ng truck sa naturang tunnel.
Tumatawid noon ang bata kasama ng kaniyang kuya nang mawalan ng kontrol ang truck at sumalpok sa gutter, na ikinasawi ng bata.
Tunghayan sa KMJS kung ano ang mensahe ng bata kina Ed at sa grupong nag-iimbestiga, at gumaan na kaya ang pakiramdam nito kapag nalaman niya ang tungkol sa kaniyang pagkamatay? Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News