Hindi namayan ng isang babae na nagluluto sa labas ng bahay sa Thailand ang pagdaan sa ilalim ng kaniyang upuan ang isang mahaba at makamandag na king cobra. At nang makita niya ang ahas, tila nagkagulatan ang dalawa.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang naturang babae sa Surat Thani, Thailand na abala sa paghahalo ng kaniyang niluluto habang nakaupo.
Maya-maya lang, makikita rin sa isa pang kuha ng CCTV camera ang paglabas ng cobra mula sa bahagi ng bakuran na may mga halaman.
Dumiretso sa paggapang ang ahas patungo sa kinaroroonan ng nagluluto at dumaan ito sa ilalim ng upuan ng babae.
Hindi nagtagal, napatingin ang babae sa ibaba at napasigaw nang malakas, sabay takbo palayo.
Nakita na pala ng babae ang ahas na pumormang tutuklawin siya.
Pero nang tumakbo ang babae palayo, umalis din palayo sa lutuan ang ahas.
Base sa video, tila maayos naman ang lagay ng babae pero mababakas sa kaniyang kilos ang labis na pagkabigla sa kaniyang nakita.
Ayon sa mga eksperto, umaatake ang mga king cobra kapag na-provoked o nakaramdam ng panganib.
Ang mga babaeng king cobra, nagiging agresibo lalo kapag panahon ng nesting period o pamumugad para sa kanilang itlog.
Batay sa tala ng Thailand, nasa 7,000 katao ang natutuklaw sa kanila ng iba't ibang uri ng ahas kada taon. -- FRJ, GMA Integrated News