Pinag-usapan at hinangaan ng netizens si Barbie Forteza nang ipasilip ang behind-the-scene sa isang makapigil-hiningang eksena sa "Maging Sino Ka Man."

Sa report ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, sinabing ipinalabas noong Biyernes ang eksena na hinahabol ng karakter ni Jeric Raval si Monique [Barbie] habang sakay ng motorsiklo.

Pero nahulog sa ilog ang motorsiklo habang ligtas na nakaahon si Monique na basang-basa na gumapang sa putikan.

Bago kunan si Barbie na gumagapang sa putik, kinailangan muna siyang buhusan ng tubig. Pero habang binubuhusan ng tubig, makikita na ang pag-i-internalize ni Barbie sa kaniyang karakter hanggang sa tumulo na ang luha.

Umabot na sa mahigit tatlong milyon ang views ng BTS sa Tiktok para sa naturang eksena. Bukod pa sa mahigit 1.7 milyon na views naman sa Facebook.-- FRJ, GMA Integrated News