Napapakinabangan ngayon ng isang lalaki sa Mariveles, Bataan ang binili niyang lumang kotse na de-gas at na-convert niya bilang electric car.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang lalaki na kayang gumawa ng improvised electric car na si Albert Nario, 30-anyos, taga-Mariveles, Bataan.
Nagawa ni Nario ang kaniyang e-car sa pamamagitan ng binili niyang lumang kotse at motorsiklo sa isang junkshop, mga gamit o piyesa tulad ng baterya at controller na nabili niya sa online shop.
Ang kaniyang improvised electric car, nagawa raw ni Nario sa loob lang ng tatlong buwan.
Kayang umanong mag-full charge ng e-car ni Nario gamit ang universal charger sa loob ng apat na oras. At nakakabiyahe ito ng hanggang 50 kilometro sa kada full charge ng baterya.
Bata pa lang daw, hilig na ni Nario nat magbutingting ng mga bagay.
"Noong bata kasi ako, hindi ako yung bata na lumalabas. Hindi ako natutuwa na nagbabasketball o naglalaro sa labas," saad niya.
"Common na ginagawa ko yung nga sirang radyo, TV, binabaklas ko. Siyempre curious tayo sa mga ganoong bagay," dagdag ni Nario na nadala raw niya ang naturang hilig hanggang sa kaniyang pagtanda.
Naniniwala si Nario na low maintenance ang mga electric car dahil ang madalas lang na gagawin sa sasakyan ay i-charge ang baterya.
"May engine break din siya, halos hindi ka rin gumagamit ng preno. Yung motor din lang ang nagpapahinto, tapos ibinabalik ng motor [sa battery] yung power kapag nagbibi-break," paliwanag niya.
Bagaman may kamahalan sa una ang electric vehicle, sinabi ni Nario na sa una lang ito at makikita ang matitipid sa maintenance habang tumatagal sa paggamit sa sasakyan. -- FRJ, GMA Integrated News