Lumabas sa isang pag-aaral na mas marumi pa raw ang kama na ating hinihigaan kaysa banyo o doorknob dahil sa milyon-milyong bacteria na nakokolekta nito sa ating pagtulog. Gaano nga ba dapat kadalas ang pagpapalit ng mga kobre kama at punda? Alamin.
Sa programang “Pinoy MD,” sinabing lumabas sa pag-aaral ni McKenzie Hyde, isang certified sleep coach ng Amerisleep, na milyong-milyong bacteria ang kumakapit sa mga kama.
Ang punda na ginamit sa isang linggo ay nakakakolekta umano ng aabot sa tatlong milyong bacteria, na may 17,442 higit na bacteria kaysa banyo.
Samantalang ang isa namang bed sheet, kayang makaipon ng limang milyon bacteria, na may 24,631 higit na bacteria kaysa doorknob.
Nagkakaroon ng bacteria ang isang kama kung kumakain ang isang tao sa higaan, bukod pa sa pagdeposito niya ng laway, pawis, at dead skin cells.
Sa isang ATP Test gamit ang luminometer, lumabas na may 6,593 relative light unit ang isang punda ng unan na isang linggo lamang ginamit.
Ang isa namang bed sheet ay may 663 RLU, na mataas kumpara sa kadalasang sinusunod na standard na 115 hanggang 300 RLU lamang.
“Napakalaki ng indikasyon na mataas ‘yung level ng dumi na nakuha natin sa ating kobre kama, dito sa ating unan,” sabi ng microbiologist na si Jun Barnes.
Maaaring magkaroon ng sakit dahil sa maruming kama. Posibleng kainin ng dust mites ang mga naiwang dead skin cells, na magresulta sa pagdami nila sa kama.
Ang dust mites ay maaaring mag-trigger ng allergy at asthma.
Kaya ayon sa mga eksperto, mainam na palitan ang bed sheet kada linggo.
Pagdating naman sa mga punda, may mga mungkahing palitan ito pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong araw.
Alamin ang iba pang tips tungkol sa kalinisan ng higaan sa video na ito ng PInoy MD. -- FRJ, GMA Integrated News