Nauwi sa suntukan ng driver at rider ang umano'y sagian ng isang kotse at isang motorsiklo sa Davao City.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa At Home with GMA Regional TV nitong Martes, makikita ang isang babae at isang lalaki na may hawak na helmet na kinokompronta ang driver na nasa loob pa ng kotse sa gitna ng kalsada.
Maya-maya lang, hinampas na ng lalaki ng hawak niyang helmet ang bintana sa kotse.
Umusad ng dahan-dahan ang kotse, pumarada sa gilid, at bumaba ang driver nito. Doon na nagsuntukan ang dalawang lalaki.
Natigil lang ang suntukan nang awatin na sila ng mga tao.
Ayon kay Police Captain Hazel Tuazon, Spokesperson ng Davao City Police Office (DCPO), nagkasagian umano ang dalawang sasakyan sa Barangay San Antonio Agdao hanggang sa makarating sila sa Barangay Ubalde.
Mabuti na lang na walang may dalang armas sa mga sangkot sa gulo.
Wala pang pahayag ang mga sangkot sa gulo na kapuwa nagsampa umano ang reklamo.
Ipinayo naman ni Tuazon sa mga motorista na huwag maging mainit ang ulo at ipagbigay-alam na lang sa kapulisan kapag may hindi pagkakaunawaan sa kalsada.--FRJ, GMA Integrated News