Sumalang sa lie detector test sa programang "The Boobay and Tekla Show" si Shaira Diaz. Dito, kabilang sa mga itinanong ay kung may pinagselosan ba siyang aktres noon kay EA Guzman na sinagot naman niya ng: "Yes."

Kinumpirma naman ng operator ng machine na nagsasabi ng totoo si Shaira tungkol sa pagseselos niya noon.

Natatawa pa na sinabi ni Shaira na marami siyang pinagselosan habang nandoon din sa show si EA bilang guest.

Hirit ng mga host na sina Boobay at Tekla, magbigay ng pangalan si Shaira ng mga aktres na pinagselosan niya kahit tatlo lang.

"Huwag na," natatawang pagtanggi ni Shaira.

Pero kinalaunan, sinabi na rin ni Shaira na ang pinaka-pinagselosan niya noon ay si Maxene Magalona.

"Kasi nung time na '' yon nasa kabila [na network] pa siya, na-love team sila. Eh hindi ako sanay na may ka-love team siya kasi nakilala ko siya bilang solo actor," paliwanag ni Shaira.

Naunawaan naman ni EA ang sitwasyon dahil kasama sa pagbuo ng love team ay i-build up ang magkapareha.

Samantala, tinanong din sa naturang segment si Shaira kung naghinala siya noon na may pinatulang bading o matrona si EA.

"No," ang naging sagot ni Shaira na kinumpirma naman sa lie detector na "truth" ang lumabas.

Ayon kay Shaira, matino at disenteng tao si EA.

Kuwento naman ni EA, mayroon sumubok at nagparamdam sa kaniya ng "indecent proposal" pero hindi niya pinansin.

Property at hindi raw pera ang inialok sa kaniya.

Nilinaw din ni EA na iginagalang niya ang LGBTQ community dahil mayroon din siyang kapatid na "miyembro" nito.

At dahil 10 taon nang magkarelasyon sina Shaira at EA, tinanong ang aktres kung nakaramdam na ba siya ng pagkasawa sa aktor.

Medyo natagalan si Shaira bago sumagot ng  "No." Ano kaya ang nabasa ng lie detector machine? Nagsasabi kaya siya ng totoo o hindi? Panoorin ang nakatutuwang episode ng "TBATS" sa video. --FRJ, GMA Integrated News