Makakaahon na sa kahirapan ang pamilya ng isang ginang sa Las Piñas City matapos siyang tumama ng mahigit P61 milyon na premyo sa Lotto 6/42.

Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na naka-post sa Facebook page ng ahensiya, nakasaad na July 1, 2023 draw ng Lotto 6/42 ang tinamaan ng ginang na nahulaan ang lumabas na mga numero na 18–25–12–14–13–22.

Sinabi umano ng ginang na petsa ng mga kaarawan ng miyembro ng pamilya ang lumabas na mga numero.

"Almost 20 years ko na pong tinatayaan yung mga birthdays namin mag-anak at buti naman sa awa ng Diyos ay nanalo din po kami,” ayon sa ginang na sinabi rin na, “Makakaraos na kami sa hirap.”

Sabi pa niya, "Mahirap pong maging mahirap, kaya ang payo kong nanggaling sa hirap, patuloy lang po sa pag-abot ng inyong mga pangarap at huwag niyo po itong susukuan at kapag ito po ay inyong nakamtan ay inyo po itong paka-ingatan dahil minsan lang po kakatok ang suwerte sa ating buhay."

Plano ng ginang na magpatayo ng sarili nilang bahay, at magkaroon ng apartment na gagawin nilang negosyo para parentahan.

Magtatabi rin umano siya para sa kinabukasan ng kaniyang mga anak.

Resulta ng lotto, Sept. 7

Samantala, sa Lotto 6/42 draw nitong Huwebes, Sept. 7, 2023, isang mananaya ang nanalo ng P36,257,127.40 matapos na mahulaan ang lumabas na mga numero na 03-31-15-19-10-27.

Isang mananaya rin ang tumama ng jackpot na P1,385,189.00, para naman sa 6D Lotto na ang lumabas na mga numero ay 3-9-1-8-4-9.

Wala namang tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49 na ang lumabas na mga numero ay 06-15-20-38-43-07, at may premyong P38,205,605.00.-- FRJ, GMA Integrated News