Nagsigawan at nagtakbuhan palayo ang mga pasahero ng isang bus--pati na ang iba pang motorista, nang makita nila sa kalye ang isang malaking elepante na tila mainit ang ulo sa Pradesh, India.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa video na nasa loob pa ang driver nang puntiryahin ng elepante ang windshield ng bus.
Sa kabutihang palad, hindi napuruhan ng tusk o sungay ng elepante ang driver, habang iniatras niya ang bus para makalayo sa dambuhalang hayop.
Nagpahabol naman ang ilang lalaki sa elepante para lumayo ito mula sa bus.
Ngunit sunod na tinumbok ng elepante ang pinagtataguan ng ilang tao, kaya gumagawa na sila ng ingay upang takutin ang hayop at lumayo.
Ilang saglit pa, napaatras na ang elepante at kusa nang bumalik sa kagubatan.
Sinabi ng mga awtoridad na wala namang nasaktan sa pagwawala ng elepante ngunit napinsala nito ang bus at ilang motorsiklo.
Naantala rin nang tatlong oras ang daloy ng trapiko sa lugar nang huminto ang mga motorista dahil sa takot na madamay.
Wala pang linaw kung ano ang dahilan ng pagwawala ng elepante.
Ayon sa impormasyon ng animal rights advocates, nagmula ang elepante sa Odisha at naligaw sa Artham village.
Sa mga nakaraang buwan, naitala rin ang mga kagayang insidente sa ilang kalapit na rehiyon ng Odisha.
Napupuwersa ang mga elepante na gumala para humanap ng makakain at tubig na maiinom.
Noong Mayo 2023, apat na elepante ang kinuryente ng mga tao dahil sa pagwawala.
Lumakas naman ang panawagan ng ilang grupo para sa pagpapatayo ng elephant rehabilitation centers. -- FRJ, GMA Integrated News