Hirap pa rin matanggap ng mga kaanak ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay na isang-taong-gulang na si Babay Hyacinth. Nasawi ang bata dahil umano sa kagat ng alupihan sa Digos City, Davao del Sur.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Lola Magdalena de Leon, na dinatnan niya ang kaniyang apo noong August 10 ng hapon na umiiyak, namumula at namamaga ang baba at leeg.
May kondisyon sa pag-iisip ang ina ni Baby Hyacinth, kaya si Lola Magdalena ang nag-aalaga sa sanggol katuwang ang iba pa niyang anak.
Noong una, inakala nilang bubuyog ang nakakagat sa bata kaya namaga ang parteng leeg nito at baba.
Pero sa halip na dalhin sa ospital, sa albularyo nila dinala ang bata. Ayon sa albularyo, malalala na ang maga ng sanggol nang makita niya at hinala niya, daga ang nakakagat kay Baby Hyacinth.
Matapos na mapahirapan ng lana o langis ang sanggol iniuwi na nina Lola Magdalena ang bata.
Ayon kay Dra. Mary Grace Omaguing, admitting physician, hindi ligtas na maglagay ng langis sa sugat, lalo na sa bata dahil hindi batid kung papaano ginawa o inihanda ang lana.
Pero kinabukasan, lalo pang lumala ang kondisyon ng sanggol kaya nagpasya na ang pamilya na dalhin si Baby Hyacinth sa ospital.
Ayon sa nurse sa ospital, namamaga na ang ulo ng bata at may nakitang sugat o butas sa parteng leeg ng bata na may tumutulong tubig.
At habang kinukuhanan ng blood pressure ang sanggol sa kama, may nakita umanong alupihan na gumapang mula sa batok ng bata.
Ang alupihan nga kaya ang kumakat at nagawang makapasok sa loob ng katawan ni Baby Hyacinth na dahilan ng kaniyang pagkamatay? Tunghayan ang buong kuwento sa video na iti ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News