Nasawi ang isang senior citizen na pasahero ng tricycle matapos itong makasagasa ng aso na biglang tumawid sa kalsada sa Toril, Davao City. Ang tricycle, mistulang napatid sa aso kaya sumirko at tumilapon ang biktima.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, makikita na may kabilisan ang takbo ng tricycle sa pababang bahagi ng daan sa Purok 8, sa Barangay Bato.
May pagkakataon pang napunta sa kabilang bahagi ng kalsada ang tricycle.
Pero nang babalik na ang sasakyan sa tamang linya, doon na tumawid ang isang aso at nasagasaan ng gulong sa unahan na nakakabit sa motorsiklo.
Sumirko ang tricycle at tumilapon ang 62-anyos na pasaherong kinilalang si Antonio Belonia, na kaagad nasawi sa naturang sakuna matapos humampas sa sementadong kalsada ang kaniyang ulo.
Naiwan namang nakahandusay sa kalye ang aso, na pumanaw din kinalaunan.
Nakaligtas naman ang driver ng tricycle na nasa kustodiya na ng mga awtoridad at mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.
Walang pahayag ang driver, ayon sa ulat. Hindi rin binanggit kung sino ang may-ari sa naturang aso.-- FRJ, GMA Integrated News