Ipinatawag at pagpapaliwanagin ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng tricycle na nakita sa viral video na may kinakaladkad na pusa sa Pangasinan. Ang driver ng tricycle, puwedng matanggalan umano ng lisensiya.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing naglabas ng show cause order ang LTO laban sa may-ari ng tricycle.

Sinimulan na umano ng LTO ang moto propio o kusang imbestigasyon kahit walang nagrereklamo, batay sa nag-viral na video sa social media na nakita ang tricycle na may kinakaladkad na pusa habang umaarangkada.

Sa video, isang motorista na naawa sa puso ang tumawag sa pansin ng tricycle driver.

“Ginagawa po natin ito sa mga nagba-viral videos kahit po walang reklamo, kapag nakita po natin na may possible violations of [Republic Act] 4136 or possible that the person is not a proper person to operate a motor vehicle, tayo po ay nagi-issue ng show cause order,” paliwanag ni LTO Executive Director Greg Pua.

Pinapupunta ng LTO sa main office sa Enero 20 ang may-ari ng tricycle, pati na ang driver, upang magpaliwanag.

Kung mapapatunayang may kasalanan o kapabayaan, maaaring matanggalan ng prangkisa ang tricycle, at alisan ng lisensya ang driver.

Sa lumabas na ulat, idinahilan ng 71-anyos na driver na mahina umano ang kaniyang pandinig kaya hindi nadinig ang sumisigaw sa kaniya.

Hindi rin umano niya alam kung papaano napunta ang pusa sa likod ng tricycle.

BASAHIN: Pusa, nahuli-cam habang kinakaladkad sa likod ng tricycle sa Pangasinan

Una rito, sinabi ng LTO na mahigit 1,000 lisensiya ang tinanggal noong 2024  matapos maglabas ng show cause orders sa mga driver at magsagawa ng pagdinig.

“Per our record, per our history, yes, ito yung pinaka madami na na revoke na license because of our aggressive stand,” ani Pua.

Depende sa bigat ng kasalanan, ang mga driver na tinanggalan ng lisensiya ay maaaring mag-apply muli pagkaraan ng dalawa o apat na taon. Gayunman, mayroon ding hindi na maaaring mag-apply muli.

“Every violation mo, may katumbas ‘yan na demerit points. So pag naubos mo yung 40 na yun, yung iyo pong driver’s license is automatically nare-revoke,” paliwanag ni Pua. —FRJ, GMA Integrated News