Nakatanggap ng magagandang reviews mula sa mga manonood ang world premiere ng “Mga Batang Riles.” Si Miguel Tanfelix na bahagi ng cast, emosyonal sa pagtutok sa pilot episode nitong Lunes.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing natunghayan na agad ang mga bakbakan at madadramang tagpo sa bagong Kapuso action-drama series.
Ipinakilala na rin ang mga karakter sa series sa pangunguna ni Kidlat, na ginagampanan ni Miguel, at kaniyang mga magulang na sina Maying at Caloy, na ginagampanan naman nina Diana Zubiri at Cris Villanueva.
Kasama rin ang iba pang mga batang riles na sina Dagul at Sig, na ginagampanan nina Antonio Vinzon at Raheel Bhyria, at sina Matos at Kulot, na sina Bruce Roeland at Kokoy de Santos.
May pasilip din sa buhay ng mga nakatira sa riles.
Nakadudurog na agad ng puso ang pagtatapos ng pilot episode sa pagpanaw ng ama ni Kidlat na si Caloy.
Tinutukan nina Miguel at Kokoy ang “Mga Batang Riles” world premiere sa set, na sobrang proud sa kanilang serye.
“Kamuntikan na ako maiyak pagkatapos kasi sobrang kinakabahan ako, na-excite ako kung anong magiging hitsura nu'ng pinaghirapan namin na siguro kalahati ng taon last year. And noong nakita ko na sobrang ganda, ang sarap sa pakiramdam. Alam mong may puso ‘yung ginagawa niyo,” sabi ni Miguel.
Nadala rin si Kokoy sa panonood kaya halos malimutan niyang bahagi pala siya ng cast.
“Usually ganoon ako eh. ‘Ay oo nga pala nandito nga rin pala kami sa ganoon,’ kasi nag-engaged ako nang matindi, kasi nga ang bigat, may ganu’n kaagad, and at the same time, happy ako na pilot pa lang in-established na kaagad ‘yung characters,” sabi ni Kokoy.
Numero unong trending topic sa X ang #MgaBatang RilesWorldPremiere.
Maraming netizens din ang naglahad ng kanilang paghanga sa pinakabagong Kapuso Prime series, kaya overwhelmed ang cast sa mga natanggap nilang positibong komento.
“‘Yung mga papuri, ‘yung mga sinasabi nilang ang ganda, nakaka-relate ako rito. ‘Wow, parang ako ‘to.’ Gusto ko ‘yung gano’n na ‘pag pinanood nila ‘yung Mga Batang Riles, nakaka-relate talaga sila. Sumasulamin ito sa kanila,” sabi ni Miguel.
Mas maraming karakter pa ang makikilala at mas maraming aabangang maaksyon at mga nakakaantig pang mga eksena sa pagpapatuloy ng kuwento.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News