Inihayag ni Jillian Ward na may mabigat siyang pinagdaanan noong 2024 nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.

Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inamin ni Jillian na naging mahirap para sa kaniya ang nangyari.

Binalikan din ng aktres ang isang panayam sa kaniya noon nang banggitin niya na nakakaramdam siya ng burnout, pero ang totoo ay higit pa raw doon ang kaniyang nararamdaman dahil sa nangyari sa kaniyang pamilya.

"May time na naririnig ko 'yung parents ko nag-uusap sila ng madaling araw bago ako mag-taping. Tapos I have to act like hindi ako naririnig 'yung mga conversations nila," saad ni Jillian.

"Kaya po 'pag pupunta ako ng taping, kaya kong umiyak nang 14 hours a day kasi totoo po 'yung emotions, ganun. Doon ko po nilalabas, kasi sa house hindi ko nilalabas 'yung iyak ko, 'yung galit ko," dagdag niya.

Inihayag din ni Jillian ang labis na pagmamahal niya sa kaniyang ina.

"Lahat po ng ginagawa ko it's for her. Well, my dad din and my siblings pero more on my mom. I super love my mama so I hope she's proud," emosyonal niyang sabi.

"Kasi po when she was growing up hindi niya na-achieve lahat ng gusto niyang ma-achieve, so gusto ko lahat ng hindi niya na-achieve for herself, ia-achieve ko sa sarili ko for her," patuloy niya.

Mapapanod si Jillian sa upcoming GMA Prime series na "My Ilonggo Girl" kasama si Michael Sager, na magsisimula na Lunes, pagkatapos ng "Widows' War." — Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News